Valeriano

Valeriano optimistiko mapapasama sa 2nd SONA ni PBBM problema ng water interruption

Mar Rodriguez Jul 10, 2023
220 Views

OPTIMISTIKO ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na mapapasama sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang problema ng water interruption sa bansa.

Sinabi ni Congressman Valeriano na bilang Chairperson ng Committee on Metro Manila Development, umaasa siya na mapapasama sa nilalaman ng SONA ni Pangulong Marcos, Jr. ang mga plano ng pamahalaan patungkol sa napipintong El Nino phenomenon at ang problema sa water interruption.

Ayon kay Valeriano, napakahalaga na ngayon pa lamang ay unti-unti ng binabalangkas ng gobyerno ang mga plano at hakbang nito para maibsan ang matinding epekto ng El Nino phenomenon na inaasahang magkakaroon ng matinding tama o epekto sa sector ng agrikultura.

Kasabay nito, umaasa din si Valeriano na madala dito sa Pilipinas ang teknolohiya ng bansang Singapore sa larangan ng “water resources” bilang tugon sa nararanasan ng publiko na water interruption partikular na sa Metro Manila sa gitna ng napipintong banta ng El Nino phenomenon.

“Hopefully sana madala dito sa Pilipinas ang technology ng Singapore dahil napapaligiran nga tayo ng tubig. Sana magamit natin ng maayos itong technology ng Singapore para matulungan naman ang ating mga kababayan dito sa problema ng water interruption,” paliwanag ni Valeriano.

Ang tinutukoy ni Valeriano na “water resources” ng Singapore ay ang Public Utilities Board (PUV) nito na nagsu-supply ng tubig sa kanilang mamamayan. Bagama’t aminado ang kongresista na sa kasalukuyan ay walang kakayahan ang gobyerno na magkaroon ng sariling water supply katulad sa Singapore.

Nauna ng sinabi ni Valeriano na hindi dapat balewalain ng mga water concessionaires ang napipintong pananalanta ng El Nino batay narin sa ibinigay na babala ng PAGASA. Sapagkat tiniyak ng nasabing ahensiya na malakas, matindi at magtatagal ang El Nino Phenomenon na inaasahang aabot hanggang unang quarter ng susunod na taon (2024) na makaka-apekto sa napakaraming Pilipino.

Binigyang diin ni Valeriano na bagama’t ang Pilipinas ay isang “archipelagic country” o napapalibutan ng tubig at karagatan. Subalit nakapanlulumo aniya na sa kasalukuyan ay tuyong-tuyo ang mga gripo sanhi ng labing-tatlong (13) oras na water interruption kada araw na nagsisilbing kalbaryo ng mga mamamayan.

“The Philippines is an archipelagic country that is too lucky for being surrounded with large bodies of water. Yet, our news recently are full of announcements of water interruptions, not in several minutes but it extended 13 hours per day. Nakakalumo isipin na bahagi ito ng ating sakripisyo,” sabi pa ng mambabatas.