Valeriano

Valeriano pinapurihan si PBBM dahil sa price ceiling sa presyo ng bigas

Mar Rodriguez Sep 13, 2023
352 Views

PINAPURIHAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. dahil sa ipinatupad nitong ceiling na nag-resulta sa paghupa ng mataas na presyo ng bigas.

Sinabi ni Valeriano na malaking tulong para sa mga ordinaryong mamamayan ang ipinatupad na price ceiling ng Pangulong Marcos, Jr. para bumaba ang presyo ng bigas hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa global market.

Ayon kay Valeriano, nagdulot umano ng malaking epekto ang ipinatupad na price ceiling ng Punong Ehekutibo sa Pilipinas. Sapagkat maging sa Vietnam ay bumaba din ang presyo ng kanilang bigas matapos na ilang kanselahin ng ilang Filipino trader ang kanilang order na bigas sa naturang bansa.

Dahil dito, naniniwala si Valeriano na matatauhan ang ilang tiwali at tusong rice traders sa pagpapataw nila ng mataas na presyo ng kanilang bigas dahil mapipilitan sila ngayong magbaba ng kanilang presyo.

Samantala, sinag-ayunan din ng kongresista ang planong pagbili ni Pangulong Marcos, Jr. ng avian flu vaccine upang muling mapasigla ang poultry industry ng bansa at mapababa ang presyo ng manok at itlog.