Valeriano

Valeriano, pinayuhan si VP Sara Duterte na magpatingin sa psychiatrist

Mar Rodriguez Nov 26, 2024
53 Views

MALALA!

Ito ang ibinigay na reaction ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano nang kunin ng People’s Taliba ang kaniyang pahayag patungkol sa napaka-kontrobersiyal na paglilitaniya, pagbabanta at malutong na pagmumura ni Vice President Inday Sara Duterte laban kina President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez.

Dahil dito, pinayuhan ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, si VP Sara Duterte na makabubuting magpakunsulta na ito sa isang psychiatrist dahil tila hindi na aniya normal ang mga ginagawa at ikinikilos nito lalo na para sa isang mataas na opisyal ng pamahalaan.

Binigyang diin ng kongresista na hindi naa-akma at nararapat para sa ikalawang mataas na opisyal ng gobyerno ang magpamalas ng hindi normal na pag-uugali kagaya ng ipinakita ni VP Sara.

Ayon kay Valeriano, ang magiging impression umano ng publiko patungkol sa kumakalat (viral) na video ni VP Sara habang pinagbabantaan at pinagmumura nito sina Pangulong Marcos, Jr., FL Liza Marcos at Speaker Romualdez na “wala umano ito sa tamang pag-iisip”.

Sabi din ni Valeriano na ang ginawa ni VP Sara Duterte ay lantarang pambabastos at pambabalahura sa Office of the Vice President (OVP) na ngayon lamang nangyari sapagkat ang mga naging Pangawalang Pangulo o mga nauna sa kaniya ay hindi kailanman gumawa ng ganitong eksena. Kaya ang inasal aniya ni Duterte ay hindi nararapat o “unbecoming” para sa isang Bise Presidente ng Pilipinas.

“Sa kasaysayan ng ating politika. Ngayon lamang may Vice President ang nagpamalas ng ganoong ugali. Kahit Kapitan ng Barangay ay hindi kayang gawin ang ginawa niya. Ang ibig sabihin ba nito ay huwaran na siya? Hindi, ang ginawa niya ay unbecoming. Hindi dapat para sa isang mataas na opisyal ng ating pamahalaan,” sabi ni Valeriano.

Nagbabala naman si Valeriano sa mga magulang na iiwas nila ang kanilang mga anak na mapanood ang viral video ni VP Sara habang nagpapakawala ng mga pagbabanta at malutong na pagmumura dahil kapag napanood ito ng mga bata ay hindi malayong gayahin din nila si Duterte o kaya naman ay matuto narin silang magmura at magbanta sa mga kapwa nila batabata.

Pagdidiin ng mambabatas na hindi magandang halimbawa para sa mga kabataan ang inasal ni VP Sara Duterte, lalo na at siya pa naman ay isang Abogado at opisyal ng pamahalaan.

Sinang-ayunan din ni Valeriano ang pahayag ng kaniyang mga kapwa kongresista na hindi dapat balewalain ang mga naging pagbabanta ni VP Sara laban kina PBBM, FL Liza Marcos at Speaker Martin Romualdez kung saan kinakailangan itong imbestigahan sa pangunguna ng National Bureau of Investigation (NBI).