Valeriano

Valeriano pinayuhan SMNI na tanggapin kanilang kapalaran sakaling tanggalin ng Kongreso kanilang prangkisa   

Mar Rodriguez Dec 14, 2023
193 Views

PINAYUHAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang pamunuan ng Sonshine Media Network International (SMNI) sa pangunguna ng may-ari nito na si Pastor Apollo C. Quiboloy na tanggapin ang kanilang kapalaran sakaling bawiin ng Kongreso ang kanilang “legislative franchise”.

Ang naging pahayag ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ay kaugnay sa inihaing panukalang batas sa Kamara de Representantes na naglalayong bawiin ang “legislative franchise” na ibigay para sa Swara Sug Media Corporation o SMNI.

Sinabi ni Valeriano na kailangang ihanda na ng pamunuan ng SMNI ang kanilang mga sarili sakaling tuluyan ng matanggalan ng prangkisa ang kanilang kompanya dahil sa di-umano’y pagpapakalat nila ng maling impormasyon o fake news, red tagging at kabiguang sumunod sa reportorial requirement ng Kongreso.

Muling ipinahayag ni Valeriano na ang operasyon ng SMNI ay pinangangambahang maging banta sa “national security” ng Pilipinas. Kung magpapatuloy aniya ang paggamit nito sa platform na nagpapakalat ng mga maling impormasyon o fake news na hindi naman berepikado o kaya ay hindi totoong statements.

Nauna rito, sinang-ayunan ni Valeriano na busisiin ng Kongreso ang umano’y ugnayan o partnership sa pagitan ng SMNI ni Pastor Quiboloy at Chinese government sa pamamagitan ng China Global Television Network (CGTN) sa gitna ng kasalukuyang tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ikinatuwiran ng kongresista na mahalagang imbestigahan o busisiin ng Kamara de Representantes ang napapa-balitang “partnership” sa pagitan ng kompanya ni Pastor Quiboloy at China Global Television Network (CGTN) sa gitna ng kasalukuyang tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).

Binigyang diin ni Valeriano na dapat alamin at busisiin ng House Committee on Legislative Franchise ang di-umano’y ugnayan sa pagitan ng dalawang kompanya. Sapagkat mahalaga aniyang malaman ang nasabing isyu sa harap ng ginagawang harassment ng Chinese military sa mga Pilipino sa WPS.