Calendar
Valeriano pinuri programa ng DSWD para tiyakin food security
PINAPURIHAN ng chairperson ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) patungkol sa inilunsad na programa ng ahensiya para tiyakin ang “food security” ng mga Pilipino.
Ikinagalak ni Valeriano ang naging pahayag ng DSWD na nasa tinatayang 1.9 milyong kabataang Pilipino ang nakinabang sa inilunsad nitong “feeding program” partikular na noong nakaraang taon (2023).
Sinabi ni Valeriano na malaki ang maitutulong ng nasabing programa ng DSWD para unti-unting masolusyunan ang problema ng bansa kaugnay sa kagutuman at mal-nutrition na nararanasan ng mga kabataang Pilipino.
Dahil dito, ipinahayag ng kongresista ang kaniyang buong suporta para sa mga programa ng DSWD na naghahatid ng malaking tulong para unti-unting malunasan ang problema ng kagutuman at karukhaan.
Bilang Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation, ganito rin ang ipinahayag ni 1-PACMAN Party List Cong. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., matapos nitong parurihan ang inisyatiba ni Social Welfare Sec. Rex Gatchalian para matulungan ang mga mahihirap na mamamayan.
Ayon kay Romero, kinakailangang mas lalo pang paigtingin ng DSWD ang kanilang programa sa pamamagitan ng pakikipag-tulungan ng ahensiya sa iba pang national agencies para maisakatuparan ang mga adhikain ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na maging “hunger-free” ang Pilipinas.
Iminungkahi din ni Romero sa DSWD ang pagapalawig at pagpapa-igting ng pakikipag-ugnayan ng ahensiya sa mga Local Government Units (LGU’s) para mas marami pang kabataang Pilipino ang makinabang sa kanilang “feeding program” lalo na sa mga mahihirap na lugar.