Valeriano

Valeriano: Repasuhin batas sa pag-iingat ng sibilyan ng maraming baril

Mar Rodriguez Jan 5, 2024
143 Views

Valeriano1IMINUMUNGKAHI ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na mahalagang rebyuhin o repasuhin ng gobyerno ang batas patungkol sa pag-iingat ng isang indibiduwal o sibilyan ng maraming baril.

Sinabi ni Valeriano na panahon na upang balikan at repasuhin ang batas kaugnay sa pagkakaroon ng maraming baril ng isang indibiduwal para matiyak na magiging ligtas ang lipunan laban sa mga taong “mainit ang daliri” sa gatilyo o bumubunot agad ng baril kapag mayroon silang naka-alitan.

Binigyang diin ni Valeriano na hangga’t maaari ay dapat mapanatili na tanging ang mga awtoridad lamang ang puwedeng madala ng baril. Maliban na lamang umano kung nanganganib ang buhay ng isang indibiduwal. Sapagkat may mga sibilyan ang nagdadala ng baril subalit inaabuso naman nila ang paggamit ng baril.

“Marahil panahon na para balikan ang batas ukol sa pagkakaroon ng baril o armas. Nais natin na maging mas ligtas ang Lipunan kung saan, hangga’t maaari ay mapanatili na tanging ang mga awtoridad lamang ang puwedeng magdala ng baril. May mga silbilyan kasi na inaabuso ang paggamit ng baril,” ayon kay Valeriano.

Kinukuwestiyon din ng kongresista kung bakit pinahihintulutan o hinahayaan ng gobyerno na mag-ingat ng napakaraming baril ang isang sibilyan o indibiduwal kahit hindi naman nanganganib ang buhay nito katulad sa kaso ng isang dating mataas na opisyal ng pamahalaan na may pag-aaring 358 na baril.

Nauna ng sinabi ni Valeriano na “no one is above the law” na pumapatungkol kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na posibleng maharap sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa sandamakmak na pag-aari at pina-rehistro nitong baril na umabot sa 358 piraso.

Ipinaalala pa ni Valeriano na ang ibang mga bansa tulad ng Japan ay hindi nila pinahihintulutan kahit ang kanilang mga security guard na magdala o kaya ay mag-ingat ng baril. Gayunman, nananatili aniyang tahimik at payapa ang naturang bansa na puwedeng tularan ng Pilipinas.

“Other countries like Japan do not even allow security guards to carry a gun and yet the country is at peace and orderly. Let us review why the government needs to allow regular citizens a license to carry firearms and several units at that. Why should collectors be tolerated or recognized,” sabi pa ni Valeriano.