Valeriano1

Valeriano sang-ayon na busisiin ng Kongreso ugnayan ng SMNI ni Quiboloy, China

Mar Rodriguez Dec 12, 2023
187 Views

SANG-AYON ang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano na busisiin ng Kongreso ang ugnayan sa pagitan ng Sonshine Media Network Incorporated (SMNI) na pag-aari ni Pastor Apollo C. Quiboloy at Chinese government.

Sinabi ni Valeriano na mahalagang imbestigahan o busisiin ng Kamara de Representantes ang napapa-balitang “partnership” sa pagitan ng kompanya ni Pastor Quiboloy at China Global Television Network (CGTN) sa gitna ng kasalukuyang tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Valeriano, dapat alamin at busisiin ng House Committee on Legislative Franchise ang di-umano’y ugnayan sa pagitan ng dalawang kompanya. Sapagkat mahalaga aniyang malaman ang nasabing isyu sa harap ng ginagawang harassment ng Chinese military sa mga Pilipino sa WPS.

Binigyang diin ng Manila congressman na kinakailangang siguraduhin na hindi nagagamit ng Chinese government ang SMNI para magpakalat ng mga fake news o maling impormasyon para siraan ang posisyon ng Philippine government na ipinagtatanggol ang karapatan nito sa WPS.

Hinihikayat din ni Valeriano ang legal counsel ng SMNI na si Atty. Mark Tolentino na ilantad ang nilalaman ng sinabi nitong pag-uusap sa pagitan ng Chinese government at SMNI. Matapos aminin ni Tolentino na totoong may nangyayaring pag-uusap sa pagitan ng SMNI at CGTN para sa pagbubuo ng partnership.

Bagama’t ayon kay Tolentino, hindi pa umano tapos ang pag-uusap ng dalawang kompanya kaya walang kontratang napirmahan sa pagitan ng SMNI at CGTN. Gyunman, iginiit ni Valeriano na kinakailangang magpaliwanag parin ang kompanya ni Pastor Quiboloy kaugnay sa nasabing isyu.

“Kailangan alamin kung ano ba ang nilalaman ng pag-uusap ng SMNI at CGTN dahil interes ng mamamayang Pilipino ang nakataya dito.

Nangyayari ang mga bagay na ito sa gitna ng nangyayaring kaguluhan sa WPS. Kaya dapat lamang na malaman ng publiko kung ano ba ang partnership na ito at para saan,” ayon kay Valeriano.