Valeriano

Valeriano sang-ayon sa 3 buwang moratorium na inirekomenda ng Kamara sa oil firms

Mar Rodriguez Sep 20, 2023
194 Views

SANG-AYON ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano sa tatlong buwang moratorium na ini-rekomenda ng Kongreso patungkol sa sunod-sunod na pagsirit sa presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Valeriano na ang moratorium na inirekomenda ng Kamara ay naglalayong pigilan ang mga kompanya ng langis sa pagtataas ng kanilang produktong petrolyo sa loob ng tatlong buwan upang maibsan ang mabigat na pasanin ng publiko dulot ng serye ng oil price increase.

Ang tatlong buwang moratorium ang naging posisyon ng Kamara de Representantes matapos magkaroon ng “consultative meeting” sa pagitan ng mga kongresista, mga oil companies at mga opisyal ng Department of Energy (DOE) na ipinatawag ni House Speaker Martin Gomez Romualdez.

Ayon kay Speaker Romualdez, hanggang Disyembre lamang ang paki-usap ng liderato ng Kamara upang huwag magpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis sapagkat masyado na aniyang nabibigatan ang mamamayan o general public sa sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng gasolina.

Ipinahayag naman ni Valeriano na bagama’t wala pang commitment ang mga kompanya ng langis kaugnay sa rekomendasyon ng Kongreso. Subalit naniniwala ang mambabatas na ito’y malaking bagay na para sa mga mamamayan na masyado ng nahihirapan sa serye ng oil price hike.

“Malaking bagay na itong tatlong buwang moratorium, Sapagkat kahit papaano eh’ makakatulong na rin ito para sa ating mga kababayan na masyado ng nahihirapan sa sunod-sunod na oil price hike. Hindi lang naman mga PUVs ang apektado dito kundi pati tayo na mga ordinaryong motorista,” sabi ni Valeriano.

Binigyang diin pa ni Valeriano na hindi lamang ang mga driver ng Public Utility Vehicles (PUVs) ang apektado ng sunod-sunod na pagtaas sa presyo ng gasolina. Kundi maging ang mga ordinaryong motorista na gumagamit ng kanilang sasakyan papasok sa kanilang trabaho.