Valeriano sang-ayon sa pagsasampa na ng kaso vs Digong

Mar Rodriguez Nov 20, 2024
15 Views

Rep Valeriano SANG-AYON si Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano sa panukala ng kapwa nito kongresista na kailangang irekomenda na ng Quad Committee ng Kamara de Representantes ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte alinsunod sa mga napakahalagang usapin na nabungkal ng naturang Komite sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.

Nauna rito, hinimok ng isang kongresista ang House Quad Committee na irekomenda na ang pagsasampa ng mga kaso laban sa dating Pangulo kabilang na dito ang crimes against humanity, murder at iba pa kaugnay sa madugo at brutal na war-on-drugs campaign na inilunsad ng nakalipas na administrasyon nito na ikinasawi ng napakaraming inosenteng sibilyan.

Naniniwala si Valeriano na nararapat lamang na papanagutin si Pangulong Duterte dahil sa paglabag nito sa international humanitarian law at kasong murder patungkol sa libo-libong katao na nasawi sa war-against-drugs campaign at extrajudicial killings (EJK). Naging kaliwa’t-kanan ang ginawang paglikida sa mga pinaghihinalaang sangkot sa kaso ng illegal drugs.

Inilahad naman ni Batangas 2nd Dist. Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro na nakakaalarma umano ang bilang ng mga nasawi sa kontrobersiyal na kampanya ng administrasyong Duterte laban sa illegal na droga. Kinukuwestiyon ang legalidad ng mga pamamaraang ginamit upang ipatupad ang naturang kampanya bunsod ng napakaraming bilang ng mga namatay.

Sabi naman ni Valeriano na batay sa datos na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kasama na ang human rights group,tinatayang may 6,252 katao ang napatay ng mga pulis sa isinagawa nilang anti-drug operations hanggang Mayo 2022. Nasa 27,000 hanggang 30,000 ang naging biktima ng EJK kabilang na dito ang mga naganap na pamamaslang na isinagawa ng mga vigilante o riding-in-tandem.

Binigyang diin ni Valeriano na maituturing na “mass murder” ang naganap sa administrasyong Duterte kahalintulad o hindi nalalayo sa nangyaring “genocide” noong ikalawang digmaan kung saan milyon-milyong European Jews ang ipinapatay ni Adolf Hitler.

Dagdag pa ng mambabatas, bukod sa mga napatay sa war-on-drugs campaign. 427 aktibista, human rights defenders at mga grass roots organizers ang namatay noong Disyembre 2020.

Ipinahayag ni Valeriano na solido ang suporta nito para kay Manila Mayor Dra. Honey Lacuna batay sa magandang performance na ipinapamalas nito sa kaniyang pamamahala.

“Si Mayor Honey Lacuna ang ating susuportahan sa pagka-Mayor ng Maynila. Sapagkat napakarami niyang nagawang proyekto at programa na pinakikinabangan ngayon ng mga Manileño gaya ng land for the landless,” sabi ni Valeriano.

To God be the Glory