Calendar
Valeriano suportado ayuda para sa PUV drivers
SINUSUPORTAHAN ng House Committee on Metro Manila Development ang pagbibigay ng ayuda at pangkabuhayan para sa mga jeepney driver na mawawalan ng hanapbuhay sa oras na maipatupad ang isinusulong na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Aminado si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano, chairperson ng Committee on Metro Manila Development, na posibleng maraming tsuper ng jeepney sa buong bansa ang inaasahang mawawalan ng pang-kabuhayan sakaling matuloy ang implementasyon ng PUVMP.
Sinabi ni Valeriano na mismong ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nagpahayag. alinsunod sa kanilang datos na 75% lamang ng mga jeepney operators ang nagpa-rehistro para sa PUVMP. Ang ibig sabihin ay maraming drivers aniya ang inaasahang mawawalan ng pagkakakitaan.
Dahil dito, kinatigan ni Valeriano ang naging panawagan ni ACT-CIS Party List Cong. Erwin T. Tulfo sa gobyerno na kinakailangang mabigyan ng ayuda at pang-kabuhayan ang mga driver ng PUV na inaasahang madidiskaril ang kanilang hanap-buhay dahil sa pagpapatupad ng PUVMP.
Nauna ng ipinahayag ni Tulfo na nauunawaan nito ang sitwayon ng gobyerno na kailangan na talagang buwagin o i-phase out ang mga lumang jeepney na gumagamit ng diesel engine upang palitan ng mas makabagong makina sa pamamagitan ng euro4 compliant vehicles para makabawas sa pollution.
Ipinaliwanag pa ni Valeriano na ano pa man ang maging kadahilanan ng gobyerno patungkol sa planong pagbubuwag nito sa mga lumang jeepney. Dapat parin aniya magkaroon ng maingat na pagpa-plano para paghandaan ang pagkakaroon ng alternatibong hkbang para sa mga PUV drivers.
“Sinusuportahan natin ang panawagan ng ating kasamahan sa Kamara na si Cong. Tulfo. Dapat lamang talaga na magkaroon ng ayuda at pang-kabuhayan para sa mga PUV drivers na posibleng mawalan ng hanap-buhay sapagkat alam naman natin ito lamang ang kanilang pinagkakakitaan,” paliwanag ni Valeriano.