Valeriano

Valeriano suportado direktiba ni Speaker Romualdez vs mga kompanyang di nagbibigay ng discount sa PWDs

Mar Rodriguez Jan 16, 2024
125 Views

KINAKATIGAN ng chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang naging direktiba ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez laban sa mga kompanyang hindi nagbibigay ng discount para sa mga Persons with Disability (PWD).

Sinasang-ayunan ni Valeriano ang ibinabang kautusan o atas ni Speaker Romualdez sa mga Komite sa Kamara de Representantes para magsagawa ng isang masusing imbestigasyon patungkol sa ilang walang-konsensiyang kompanya na hindi nagbibigay ng discount para sa mga PWDs.

Ipinabatid ni Valeriano na napakahalaga na magkaroon ng isang malalim na pagsisiyasat sa Kongreso hindi lamang para papanagutin sa batas ang nasabing komapnya. Bagkos, makapag-balangkas ng isang panukalang batas ang mga kongresista para sa kapakanan ng mga PWDs.

Sinabi ni Valeriano na kinakailangan na talagang magkaroon ng isang malinaw at konkretong batas upang obligahin ang mga kompanya na magbigay ng discount para sa mga PWDs at Senior Citizens na kadalasan ay binabalewa ng mga kompanyang ito ang pagbibigay ng diskuwento.

Ayon sa kongresista, napakahalagang kumilos ang Kamara de Representantes laban sa mga kompanya na lantarang nilalabag ang Republic Act No. 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 at Republic Act (RA) No. 10754 o ang An Act Expanding the Benefits and Privileges of PWDs.

Binigyang diin ni Valeriano na sa gitna ng may umiiral ng batas para sa Senior Citizens at PWDs. Sa kasamaang palad aniya, may ilang kompanya parin ang nagmamatigas at sadyang binabalewala ang isinasaad ng batas para lamang makalibre sila sa pagbibigay ng discount.

“Dapat ay matutukan ng Kongreso ang mga kompanyang ito na hindi nagbibigay ng discount sa ating mga Senior Citizens at PWDs. Nasaan naman ang konsensiya nila? Ganyan na ba sila ka-manhid? Sang-ayon tayo na imbestigahan sila dahil ako’y awang-awa sa mga senior citizens at PWDs,” paliwanag ni Valeriano.