Valeriano

Valeriano suportado paglaan ng karagdagang buwis sa junk food

Mar Rodriguez Dec 27, 2023
139 Views

SINUSUPORTAHAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang paglalaan ng karagdagang buwis sa mga “junk food at sweetened beverages” na gamitin para sa mga programa ng Universal Health Care (UHC).

Ipinaliwanag ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na bagama’t taon-taon ay tumataas at nadadagdagan ang budget ng pamahalaan para sa usapin ng kalusugan o health. Subalit nananatili naman kakarampot ang national budget para naman sa UHC.

Dahil dito, umaasa si Valeriano na ang buwis na makukuha mula sa karagdagang revenue na ipapataw sa mga junk food at sweetened beverages ay magamit o kaya naman ay ilaan para sa implementasyon ng UHC program.

Sinabi ng kongresista na inaasahan din ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na sa pagpasok ng taong 2024. Makakalikom sila ng nasa tinatayang P68.5 billion mula sa makukuhang excise taxes sa mga sweetened beverages at junk food.

Ayon kay Valeriano, inaasahan niya na sa pagpasok ng karagdagang pondo para sa UHC ay mabubuhusan naman ng pondo ang mga public health facilities partikular na ang mga barangay health care centers.

Nabatid pa kay Valeriano na sakaling maisakatuparan ang panukala o plano. Hindi lamang nito matutulungan ang mga Pilipino sa kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga pagkaing matatamis at nakakasama sa kanilang kalusugan. Matutulungan din nito ang gobyerno na makalikom ng karagdagang buwis.