Calendar
Valeriano suportado pagpasok ng Kamara para imbestigahan ang issue sa Chocolate Hills
SUPORTADO ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang pagpasok ng Kamara de Representantes para masusing imbestigahan ang kontrobersiyal na usapin ng “Chocolate Hills” sa Bohol matapos pagtayuan ng private resort ang paanan ng nasabing lambak.
Ayon kay Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, dapat isailalim sa masusing pagsisiyasat ang usapin ng Chocolate Hills sapagkat ang ginawa ng Captain’s Peak Resort Development ay lantarang paglapastangan sa isang lugar na itinuturing na Heritage Site.
Ipinaliwanag ni Valeriano na kinakailangang pangalagaan ang mga santuwaryong lugar tulad ng Chocolate Hills at iba pang mga kahalintulad nito laban sa anumang uri ng pang-aabuso gaya ng pagtatayo ng resort o pagkakalat para mapanatili ang kaayusan o environmental protection nito.
Sinabi ng Metro Manila solon na dapat halungkatin at busisiing mabuti ng Kamara de Representantes kung papaanong ang isang lugar na tulad ng Chocolate Hills na UNESCO site ay nagawang pagtayuan ng resort gayong noong September 2023 ay ipinag-utos na ang pagsasara ng Captain’s Peak Resort.
Iginigiit ni Valeriano na mismong ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang nagsabi na ipinasara na nila ang nasabing resort. Subalit nakakapagtaka na sa kabila nito ay nagpapatuloy parin ang kanilang operasyon na dapat alamin sa imbestigasyon ng Kongreso.
“Ang sabi ng DENR, ito raw ay ipinasara na noong September 2023 pa. Subalit dapat maimbestigahan kung papaanong ang ganitong UNESCO site ay napagtayuan ng resort, baka sa imbestigasyon ay matanto natin kung sino ang nagkulang o nagmalabis para mabigyan sila ng permit,” sabi ni Valeriano.
Kaugnay nito, naghain naman ng House Resolution si ACT Teachers Party List Cong. France Castro para pormal na imbestigahan ang pagkakaroon ng resort sa paanan ng Chocolate Hills na isang UNESCO World Heriatge Site.
Sinabi ni Castro na papaanong nakalusot ang Captain’s Peak Resort Development para magtayo ng kanilang resort sa mismong paanan ng Chocolate Hills na maituturing din bilang National Geological Monument ng Pilipinas at isang protected area ng hindi man lamang namo-monitor ng DENR.
Dahil dito, ikinatuwiran ng Party List Lady solon na dapat kumilos o umaksiyon ng DENR para papanagutin ang mga opisyal na pumayag at nagbigay ng permit sa Captain’s Peak Resort para makapag-operate.