Valeriano

Valeriano umaapela kay PBBM para aksiyunan ang sentimyento ng publiko laban sa POGO

Mar Rodriguez Jun 18, 2024
90 Views

𝗡𝗔𝗡𝗔𝗡𝗔𝗪𝗔𝗚𝗔𝗡 𝘀𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 𝗸𝗮𝘆 𝗣𝗿𝗲𝘀𝗶𝗱𝗲𝗻𝘁 𝗙𝗲𝗿𝗱𝗶𝗻𝗮𝗻𝗱 “𝗕𝗼𝗻𝗴𝗯𝗼𝗻𝗴” 𝗥. 𝗠𝗮𝗿𝗰𝗼𝘀, 𝗝𝗿. na agad 𝗮𝗸𝘀𝗶𝘆𝘂𝗻𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗹𝘂𝗺𝗮𝗹𝗮𝗸𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝘀𝗲𝗻𝘁𝗶𝗺𝘆𝗲𝗻𝘁𝗼 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗺𝗮𝗺𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗼 𝗽𝗮𝘁𝘂𝗻𝗴𝗸𝗼𝗹 𝘀𝗮 𝘀𝘂𝗻𝗼𝗱-𝘀𝘂𝗻𝗼𝗱 𝗮𝘁 𝘄𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗵𝘂𝗺𝗽𝗮𝘆 𝗻𝗮 𝗸𝗮𝗿𝗮𝗵𝗮𝘀𝗮𝗻 𝗮𝘁 𝗸𝗿𝗶𝗺𝗶𝗻𝗮𝗹𝗶𝗱𝗮𝗱 𝘀𝗮 𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮 𝗻𝗮 𝗸𝗶𝗻𝗮𝘀𝗮𝘀𝗮𝗻𝗴𝗸𝘂𝘁𝗮𝗻 𝗺𝗶𝘀𝗺𝗼 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝘀𝗶𝗻𝗱𝗶𝗸𝗮𝘁𝗼𝗻𝗴 𝗜𝗻𝘁𝘀𝗶𝗸 𝗼 𝗖𝗵𝗶𝗻𝗲𝘀𝗲 𝘀𝘆𝗻𝗱𝗶𝗰𝗮𝘁𝗲𝘀 𝗻𝗮 𝗸𝗼𝗻𝗲𝗸𝘁𝗮𝗱𝗼 𝘀𝗮 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗢𝗳𝗳𝘀𝗵𝗼𝗿𝗲 𝗚𝗮𝗺𝗶𝗻𝗴 𝗢𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 (𝗣𝗢𝗚𝗢).

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na kinakailangan ngayon ng kalayaan ng Pilipinas hindi sa pamamagitan ng mga dayuhang mananakop bagkos kalayaan sa kamay ng mga Chinese syndicates na patuloy na namamayagpag bunsod ng mga nangyayaring kriminalidad kabilang na dito ang paglaganap ng illegal na droga sa iba’t-ibang lugar.

Ayon kay Valeriano, nakakapagtaka lamang sapagkat ipinagbabawal o naka-ban na ang POGO sa China mismo, subalit papaanong nakakapag-operate ito sa Pilipinas. Nabibigyan pa sila ng proteksiyon.

Sinabi pa ni Valeriano na masyado ng inaabuso ng mga operators mg POGO ang batas ng Pilipinas kaya nararapat lamang aniya na matuldukan na ang pamamayagpag nito sa bansa para magkaroon narin ng katahimikan ang mga mamamayan.

Sabi ng kongresista, napakahalagang marinig ni Pangulong Marcos, Jr. ang hinaing at sentimyento ng publiko laban sa POGO.

Ayon pa sa kongresista, masyado na umanong nakakaalarma ang pagdagsa ng napakaraming Chinese nationals sa Pilipinas, laganap na kriminalidad dahil sa POGO at tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea (WPS).

‘Nananawagan tayo sa ating mahal na Pangulong Bongbong Marcos, Jr. para pakinggan niya ang sentimyento ng ating mga kababayan na masyado ng nababahala sa laganap na kriminalidad dahil sa POGO. Dapat kumilos na ang ating gobyerno dahil ito ay talagang nakakabahala o very alarming na,” sabi ni Valeriano.