Valeriano

Valeriano umapela kay Escudero

Mar Rodriguez Jun 7, 2024
108 Views

Para aksiyunan panukalang mag-aamiyenda sa 1987 Constitution

KATULAD ng kaniyang mga kasamahan sa Kamara de Representantes. maging si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ay umaapela na rin kay Senate President Francis “Chiz” Escudero III para agad na akisyunan ang panukalang mag-aamiyenda sa 1987 Philippine Constitution.

Binigyang diin ni Valeriano na ang inilabas na resulta ng TANGERE survey kung saan 57% ng mga Pilipino ang pumapabor sa pagbabago sa economic provision ng Konstitusyon ay malinaw na testamento na suportado ng mamamayang Pilipino ang pagsusulong ng economic charter amendments.

Sinabi din ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na ang resulta ng TANGERE survey ay hudyat din para agad na kumilos ang liderato ng Senado para sa agarang pag-aapruba sa Resolution of Both House (RBH) No. 7 at RBH No. 6.

Ikinatuwiran pa ni Valeriano na ang taongbayan na mismo ang nagsalita at nagpahayag ng kanilang saloobin patungkol sa pagsusulong ng economic charter amendments na kitang-kita naman sa resulta ng survey ng tinaguriang “big data research firm” noong May 21 hanggang May 25, 2024.

Dahil sa pangyayaring ito, umaasa ang Metro Manila solon na hindi na magpapatumpik-tumpik ang Senado at agad ng kikilos para maisakatuparan ang inaasam na economic charter amendments matapos ng pumasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang RBH No. 7.

Ipinaliwanag pa ni Valeriano na kinakailangang pakinggan ng liderato ng Senado lalo na si Escudero ang tinig ng mamamayang Pilipino sapagkat mayorya nito ang nagpahayag na ng kanilang pagsang-ayon at pagsuporta sa economic Charter-Change na hindi naman nagawa ng dating Senate President.

“Ang taongbayan na mismo ang nagsasalita. Ipinapakita nila ang kanilang kagustuhan na magkaroon ng pagbabago sa economic provisions ng ating Saligang Batas. Babalewalain ba ng Senado ang kagustuhan ng mga Pilipino?,” wika ni Valeriano.