Calendar

Valeriano umapela sa mga senador para masimulan na impeachment process vs VP Sara
UMAAPELA si Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano sa mga senador para masimulan na sa lalong madaling panahon sa Mataas na Kapulungan ang nakabinbing impeachment process laban kay Vice President Sara Duterte.
Pagbibigay diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na hindi dapat makalimutan at makaligtaan ng mga senador na bahagi ng kanilang mandato ang aksiyunan ang impeachment process laban sa Pangalawang Pangulo.
Ipinahayag pa ng kongresista na hindi dapat ibasura ng Senado sa pamamagitan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang nasabing proseso dahil bahagi ng kanilang trabaho ang umaksiyon sa impeachment na nakasalang sa Mataas na Kapulungan.
“Bahagi ng kanilang mandato bilang mga senador ang aksiyunan agad ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Mayroon silang tungkulin na dapat gampanan, iyan ang hindi nila dapat kalimutan. Obligasyon nila na aksiyunan ito,” pagdidiin ni Valeriano.
Sinasang-ayunan din ni Valeriano ang pahayag ng kapwa nito kongresista na ang pagpapakita ng kawalang interes ni SP Escudero sa pag-akisyon sa impeachment case laban kay VP Sara ay nagpapakita na mistulang nais nitong pagtakpan ang Pangalawang Pangulo.
Sinabi pa ng Manila solon na ang patuloy na pagka-antala ng nasabing impeachment process ay isang indikasyon din ng malinaw na pagtataksil ng Mataas na Kapulungan sa mandato ng Konstitusyon.