Valeriano

Valeriano: Walang kinalaman si Speaker Martin Romualdez sa ikinakasang PI

Mar Rodriguez Jan 18, 2024
161 Views

NANINIWALA si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na walang kinalaman si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez sa ikinakasang People’s Initiative (PI), ang inisyatibang isinusulong upang amiyendahan ang ilang probisyon ng 1987 Philippine Constitution.

Kagaya ng paniniwala ng kaniyang mga kapwa mambabatas, naninindigan din si Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na walang kinalaman si Speaker Romualdez sa isinusulong na People,s Initiative katulad ng pinalulutang at pinakakalat ng mga intrigero.

Binigyang diin ni Valeriano na sa pagkakatanda nito ay wala siyang naa-alalang kinausap sila ni Speaker Romualdez sa isang pagkakataon o kaya ay nagbigay ng instruction ang House Speaker sa kanilang mga kongresista upang kumilos at isulong ang People’s Initiative sa kani-kanilang Distrito.

Naninindigan si Valeriano na hindi na kailangan pang gapangin ang pagsusulong ng PI sa pamamagitan ng Charter Change o kaya ay hindi na kailangan pang kumbinsihin ang taongbayan na suportahan ang nasabing inisyatiba. Sapagkat mismong ang mamamayan na ang magpapahayag ng suporta para dito.

Ipinaliwanag ng kongresista na hindi na kailangan pang kumbinsihin o impluwensiyahan ang mga Pilipino na suportahan ang PI dahil kung sa tingin nila na makakapagbigay ng malaking ginhawa sa kanilang pamumuhay ang pagbabago sa Konstitusyon ay kusang loob nila itong susuportahan.

“Ang mga Pilipino eh’ matatalino. Hind mo na sila kailangang pang diktahan, kung nakikita nila na malaki ang maibibigay na kaginhawahan sa kanilang pamumuhay ang pagbabago sa ating Saligang Batas. Sila na mismo ang susuporta dito, hindi mo sila kailangang kumbinsihin,” paliwanag ni Valeriano.

Ayon kay Valeriano, maaaring sinasamantala ng ilang grupo ang isyu ng People’s Initiative para sadyang siraan o kaya ay dungisan ang imahe ni Speaker Romualdez sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga impormasyon na siya ang nasa likod ng pagsusulong ng PI at di-umano’y pangangalap ng pirma.