Hon. Valeriano

Valeriano: Walang lihim na di mabubunyag sa gentleman’s agreement

Mar Rodriguez Apr 15, 2024
161 Views

WALANG LIHIM na hindi mabubunyag at walang baho na hindi sisingaw!”.

Para kay Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano patungkol sa kontrobersiyal na usapin ng “backdoor agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Chinese President Xi Jinping. Ito ang nakikita niyang scenario kaugnay sa issue ng West Philippine Sea (WPS).

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na napakahalagang busisiin ng liderato ng Kamara de Representantes ang napabalitang “backdoor agreement” sa pagitan nina Duterte at Xi Jinping sapagkat posibleng may naganap na panlilinlang.

Ipinaliwanag ni Valeriano na kinakailangang seryosohin ng gobyerno ang kontrobersiyal na usapin patungkol sa nasabing “gentleman’s agreement” dahil mistulang ibinenta o isinangla narin ng pangyayaring ito ang kaluluwa ng mga Pilipino at kasarinlan o sovereignty mismo ng Pilipinas sa WPS.

“As we have said before, panlilinlang ang naganap. They were not transparent about it, may gana pang ibunyag ngayon in a jest ang tagpong iyon ni Sec. Harry Roque. Sa pangyayaring ito, para narin ibinenta ang kaluluwa ng mga Pilipino kaya dapat itong maimbestigahan ng Kongreso,” sabi ni Valeriano.

Kaugnay nito, sinuportahan naman ng tinaguriang “Alas ng Mindanao” na si Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers ang pagkondina ni President Bongbong R. Marcos, Jr. sa di-umano’y gentleman’s agreement na naganap sa pagitan nina Duterte at President Xi Jinping ng China.

Nauna rito, sinabi ni Barbers na dapat papanagutin at parusahan ang mga “Makabagong Makapili” officials na responsible sa recruitment at pagpasok ng tinatayang nasa 36 Chinese nationals bilang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) Auxiliary Corps.

Binigayng diin ni Barbers na hindi lamang nuong panahon ng Hapon sa Pilipinas mayroong mga “Makapili” o mga Pilipinong kumapi sa mga Hapon. Bagkos, sa kasalukuyang modernong panahon. Muling nagsulputan ang mga Makabagong Makapili na nagsisilbi sa interes ng China.