Rape

Van driver tiklo sa gahasa ng anak ng 51X

316 Views

QUEZON PROVINCE — Matapos ang pitong buwan na pagtatago, naaresto ng pulisya sa lalawigang ito ang isang van driver na nahaharap sa 29 na kaso ng statutory rape at 22 counts na sexual assault sa Brgy. San Jose Mindanao Extention, Fairview, Quezon City, noong Miyerkules.

Kinilala ni Quezon police director Col. Romulo Albacea ang naarestong suspek sa alyas “Marlon,” 45-anyos, ama ng biktima, isang passenger van driver at kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Ibabang Ilasan, Tayabas City.

Ayon kay Albacea, si Marlon ay dinakip ng mga operatiba ng Tayabas City police station na pinamumunuan ni Lt. Col. Elizabeth Capistrano sa bisa ng mga warrant of arrest na ipinalabas ni Judge Catherine Mariño-Monsod ng Family Court, Branch 10, Mamburao, Occidental Mindoro.

Sa panayam, sinabi ni Capistrano na ang siyam na taon ng panghahalay at panggagahasa sa biktima ay naganap sa Paluan, Occidental Mindoro, simula noong 2016 na siya ay 6 na taong gulang pa lamang hanggang noong January 16, 2025, na siya ay 14-anyos na.

Ayon kay Capistrano, binalikang tanaw ng biktima sa kanyang salaysay ang mga kahayupang dinanas niya sa kamay ng sariling ama sa mahabang panahon na ang kanyang ina ay namamasukang kasambahay sa bayan ng Mamburao.

Paulit-ulit aniyang naganap ang pang-aabuso habang natutulog ang bunsong kapatid niya na lalaki.

“Simula 2016, malimit po akong ginigising ni tatay. Hinahalikan po niya ako sa labi, sa dibdib at sa aking ari. Ipinapasok doon ang kanyang daliri at pilit na ipinapasubo sa akin ang kanyang ari,” umiiyak na pahayag umano ng biktima sa kanyang mahabang salaysay.

Wala umanong nagawa ang biktima kundi sundin ang utos ng ama at umiyak na lamang dahil pinagbantaan umano siya nito na papatayin kapag tumanggi at nagsumbong sa kanyang ina.

Ayon kay Capistrano, nang ang biktima ay nagdalaga na at nag- umpisang datnan ng buwanang dalaw, nag-umpisa na umano ang suspek na ito ay tuluyang gahasain at naganap iyon sa loob ng 22 beses umpisa noong gabi ng Nobyembre 27, 2024.

Dahil hindi na nakayanan ang kalupitan ng suspek, napilitan na umano ang biktima na magsumbong sa kanyang guro noong Enero 16, 2025, at noong Enero 21, pormal na siyang nagbigay ng kanyang salaysay sa Paluan police station.

Noong Enero 27, pormal na naisampa ang reklamo laban sa suspek at noong Marso 26 ay inilabas ng korte ang warrant of arrest.

Mabilis umanong nagtago ang suspek at nagbalik sa Tayabas City na kanyang tinubuang lungsod.

Bago naaresto, nanatili umano ang suspek ng maraming araw sa Fairview, Quezon City, kung saan siya nadakip ng mga operatiba ng Tayabas City police station.

“Sa pamamagitan ng messenger, pinainan namin siya (suspek) ng babae na nagkunwang call girl na agad naman niyang sinunggaban,” wika pa ni Capistrano. Ni GEMI FORMARAN