Calendar
Vargas gustong bigyan proteksiyon lahat ng labor sector
ISINUSULONG ng isang Metro Manila congressman ang mga panukalang batas sa Kamara de Representantes na hindi lamang kumikilala sa pagsisikap at pagpupunyagi ng mga Pilipinong manggagawa kundi naglalayon din magkaroon ng tinatawag na protective working place para sa iba’t-ibang labor sector.
Sinabi ni House Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Congressman Patrick Michael “PM” D. Vargas na ang isa sa mga industriya na kailangang matutukan o mabigyan ng atensiyon ng pamahalaan ay ang “freelance sector”.
Ipinaliwanag ni Vargas na ang tinatawag na “freelance sector” ay ang uri ng trabaho na mas pinapaboran sa kasalukuyan ng mga manggagawa o worker sector. Sapagkat ang oras na inaalok nito ay flexible at mas malaki ang kita o ang “greater financial freedom” kaya nakikita ng mambababatas na isa itong malaking oportunidad para sa mga Pilipinong manggagawa.
Idinagdag pa ng kongresista na sa mga nakalipas na panahon ay parami na ng parami ang mga Pilipinong manggagawa ang mas nagugustuhan ang pagiging “freelance worker” dahil sa pagiging maluwag nito sa oras at malaking oportunidad na ibinibigay nito kumpara sa isang regular na manggagawa.
“One of the industries I believe that needs attention by the government is the freelance sector which has flourished in the last couple of years. More and more workers prefer freelancing because it offers schedule flexibility, work life balance and greater financial freedom,” ayon kay Vargas.
Bukod dito, nabatid kay Vargas na kinakailangan din na magkaroon ng magandang oportunidad para naman sa dating bilanggo o ex-convict na kinalimutan na umano ng lipunan. Kaya’t ayon sa kaniya, inihain nito ang House Bill No. 1681 o ang “Former Prisoners Employment Act.
Sinabi ng Quezon City solon na bagama’t itinuturing sila na mga dating bilanggo, subalit hindi naman ito aniya nangangahulugan na dapat na silang pagkaitan ng Karapatan. Kung saan, sa ilalim ng kaniyang panukalang batas, bibibigyan ng trabaho ang mga dating bilanggo.