Calendar
Vargas suportado ang naging pagkilos ng House leaders vs mga paratang ni Duterte
KINAKATIGAN ni House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D.Vargas ang naging pagkilos ng mga “political leaders” sa Kamara de Representantes para sagutin at pasinungalingan ang binitiwang paratang ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte patungkol sa kontrobersiyal na usapin ng “confidential fund” ng Office of the Vice-President (OVP).
Nauna rito, nagkaisa ang iba’t-ibang mga political leaders sa Kamara sa pamamagitan ng isang joint statement para sagutin at pasinungalingan ang mga mabibigat na akusasyong ipinukol ng dating Pangulo kaugnay sa pagtatanggal ng P650 milyong confidential fund sa OVP at Department of Education (DepEd) na pinamumunuan ni Vice-President Inday Sara Duterte.
Dahil dito, binigyang diin ni Vargas na nararapat lamang ang pagpapalabas ng nasabing joint statement para malinis ang imahe ng Kamara de Representantes sapagkat hindi aniya matatawaran ang dedikasyon ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez para mapaglingkuran ang mga Pilipino a pamamagitan ng pagsasa-alang alang sa kapakanan ng bansa.
Ipinaliwanag din ni Vargas na nakakalungkot ang mga naganap na pangyayari dahil si dating Pangulong Duterte pa mismo ang dumudungis sa imahe ng Kongreso na ito rin ang institusyong sumuporta sa lahat ng kaniyang “priority measures” noong siya pa ang Punong Ehekutibo.
Sinabi din ni Vargas na nararapat lamang na sagutin ang mga naturang paratang ng dating Pangulo upang hindi magkaroon ng masamang perception ang publiko sa Kongreso sa gitna ng mga pagsisikap ni Speaker Romualdez na mapaganda at pabanguhin ang imahe ng Mababang Kapulungan sa mga Pilipino.