Vergeiri

Vergeire itinalagang OIC ng DOH

258 Views

ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire bilang officer-in-charge ng Department of Health (DOH).

Inanunsyo ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang pagtatalaga kay Vergeire na kasalukuyang Undersecretary for Public Health Services Team at tagapagsalita ng ahensya.

Sinabi ni Cruz-Angeles na mananatiling OIC si Vergeire hanggang sa katapusan ng buwan at kung wala pang mapipiling kalihim ang Pangulo sa pagtatapos ng buwan ay maaari umano itong ma-extend.

“Tama po kayo na ang MC 1 nagtatalaga lang po ng OIC hanggang sa katapusan ng buwan. Ini-expect po natin na kung wala pang natatalagang pinuno ang DOH before that time ay ie-extend ang pagka-OIC. But titingnan po natin ang mangyayari during that time,” sabi ni Cruz-Angeles.

Nagpasalamat naman si Vergeire sa pagtitiwala sa kanya.

“Maraming salamat po sa ating Pangulo at sa bayan para sa pagkakataong ito na maglingkod,” sabi ni Vergeire.

Ayon kay Vergeire nananatiling prayoridad ng DOH ang vaccination program laban sa COVID-19.

Nagpahayag naman ng suporta sa pagtatalaga kay Vergeire ang ilang senador at kongresista.