Vhong

Vhong labis ang pasasalamat sa vindication

Vinia Vivar May 2, 2024
104 Views

Labis-labis ang pasasalamat ni Vhong Navarro sa vindication na natanggap kaugnay ng kasong illegal detention for ransom laban kina Cedric Lee at Deniece Cornejo na isinampa niya noong 2014.

Lumabas na kahapon, May 2, ang desisyon ng Taguig Regional Trial Court at “guilty beyond reasonable doubt” ang naging hatol laban kina Cedric, Denise at dalawa pang repondents na sina Zimmer Raz at Ferdinand Guerrero.

Hinatulan ang mga ito ng “reclusion perpetua” o habangbuhay na pagkakakulong.

Ang nasabing kaso ay matatandaang nag-ugat sa pambubugbog, paggapos, pananakot at pagdetine ng apat na akusado kay Vhong sa condo unit ni Deniece sa Taguig City, noong January 22, 2014.

Sa It’s Showtime kahapon ay emosyonal na nagpasalamat si Vhong sa naging desisyon ng korte.

“Gusto ko munang… (kunin) itong pagkakataon na ‘to para po magpasalamat. Of course, maraming, maraming salamat, Lord, dahil lagi Kang nakagabay sa akin. Sa rami ng pinagdaanan ko sa buhay nandiyan Ka. Ikaw ang naging sentro ko at napakatotoo Mo, kaya maraming, maraming salamat,” simula ni Vhong.

Nagpasalamat din ang TV host/dancer/actor sa RTC ng Taguig, gayundin sa judge at sa staff ng korte, gayundin sa kanyang legal team na hindi bumitaw sa kanya.

Kasama rin sa mga pinasalamatan niya ang ABS-CBN bosses na sina Carlo Katigbak, Cory Vidanes, Mark Lopez, Gabby Lopez, Charo Santos-Concio, Freddie Garcia at Direk Lauren Dyogi.

“At maraming, maraming salamat po kay Direk Chito (Roño), Streetboys, sa mga kaibigan ko, sa mga kuys, Wednesday Club, dahil palagi kayong nasa tabi ko, hindi n’yo po ako iniiwan at pinapabayaan,” dagdag pa ni Vhong.

Hindi rin niya nakalimutang pasalamatan ang lahat ng kanyang fans na naniwala at sumusuporta sa kanya.

Siyempre, kasama rin sa mga pinasalamatan niya ang kanyang It’s Showtime family sa pasensiya, lalo na sa mga pagkakataong lutang siya.

“Roller-coaster ang pinagdaanan ko, ang hirap i-explain pero minsan sabaw ako dito, eh. Pero nandiyan kayo. Kahit ‘yung mga bitaw ko, mga hirit ko, eh, sablay, papuntang norte, papuntang south, ‘di ko alam. Pero nandiyan kayo to support me dahil alam kong mahal na mahal n’yo ako,” naluluhang sabi ni Vhong.

“Of couse sa family ko — kay Yce, Bruno at sa dalawa kong nanay, kapatid ko, pamangkin ko, salamat dahil naging matatag kayo kasama ko. Salamat sa pagmamahal ninyo,” patuloy niya.
Mas naging emosyonal pa si Vhong nang pasalamatan ang asawang si Tanya Bautista.

“Marami akong pagkukulang sa iyo pero hindi mo ako iniwan. Marami akong kasalanan pero nandiyan ka pa rin. Hayaan mong bumawi ako sa iyo sa abot ng aking makakaya, hanggang sa huling sandali ng buhay ko. Mahal na mahal kita. Salamat,” mensahe ni Vhong kay Tanya.