Scam Source: Bureau of Immigration

Viado inilantad scam na tinatarget mga Pinoy sa US

23 Views

NAGBABALA ang Bureau of Immigration (BI) sa isang bagong modus operandi na target ang mga Pilipinong migrante sa Estados Unidos, ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Sa pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi ni Viado na inilalantad nila ang bagong scam trend upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa panloloko.

Isa sa mga napauwing biktima mula Myawaddy, Myanmar ang naghayag na ang mga scam hub ay gumagamit na ngayon ng iba’t ibang taktika upang hikayatin ang mga Fil-Am na mamuhunan sa pekeng cryptocurrency accounts.

“Pinapaniwala ng mga scammers ang mga biktima na makakakuha sila ng mataas na kita na halos walang panganib,” paliwanag ni Viado. “Ginagamit nila ang social media para makipag-ugnayan sa ating mga kababayan sa Amerika at akitin silang mag-invest.”

Kapag nailipat na ng mga biktima ang kanilang pera, pinepeke umano ng mga scammer ang balanse ng account upang magmukhang may kita ito, kaya’t mas nahihikayat silang maglagay pa ng mas malaking puhunan. Sa huli, bigla na lang nawawala ang mga manloloko, at hindi na naibabalik ang perang in-invest.

Samantala, pinuri ni Viado ang National Bureau of Investigation (NBI) sa matagumpay na pag-aresto kay alias ‘Jon Jon,’ isa sa mga repatriado mula Myanmar noong Marso 26. Bagamat inangkin nitong isa siyang biktima, itinuro siya ng kanyang mga kasamahan bilang isa sa mga recruiter na nag-alok ng trabaho sa Thailand ngunit kalaunan ay dinala ang mga Pilipino sa Myanmar upang piliting magtrabaho bilang scammers.

Ayon pa sa ilang napauwi, si ‘Jon Jon’ mismo ang boluntaryong bumuo ng bagong scam module na target ang mga Fil-Am. Isa pa sa kanila ang nagpatotoo na nagkunwari itong biktima, kahit na marami na pala siyang na-recruit sa iligal na trabaho.

“Nais naming iparating ang babalang ito sa ating mga kababayan sa abroad na huwag magpaloko sa bagong modus na ito,” ayon kay Viado. “Patuloy na kumikilos ang IACAT (Inter-Agency Council Against Trafficking) upang tiyakin na maparusahan ang mga patuloy na nanloloko ng mga Pilipino.”

Pinapayuhan ng BI ang lahat ng Pilipino, lalo na ang mga nasa ibang bansa, na maging maingat at agad i-report ang anumang kahina-hinalang investment scheme sa mga awtoridad.