Calendar
Viado isinuot shoulder boards sa 29 bagong execs, workers ng BI
ISINUOT ni Commissioner Joel Anthony Viado ng Bureau of Immigration (BI) ang shoulder boards ng 29 na mga bagong opisyal ng BI sa seremonya noong Lunes sa Intramuros.
Ang pagkuha ng mga bagong opisyal ay sumusuporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na palakasin ang bilang ng mga tauhan upang matiyak ang epektibong serbisyo publiko.
Sa 29 na nagtapos, 20 ang mga opisyal ng imigrasyon at siyam ang mga kawani. Karamihan sa kanila ay itatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA.
Ang nasabing mga tauhan ay dumaan sa masusing proseso ng pagkuha at pagsasanay. Kailangang makapasa sa mga panayam at pagsusulit bago makapasok sa Philippine Immigration Academy (PIA) ng BI.
Ipinahayag ni Kryse Mende, hepe ng Learning and Development Section (LDS) ng BI, na tinuruan ang mga trainees ng pagpapatupad ng Philippine Immigration Act of 1940 at iba pang mga batas na may kaugnayan sa mga regular na tungkulin ng BI.
Bukod dito, nakatuon din ang pagsasanay sa tamang komunikasyon, paglilingkod sa publiko at pagresolba ng mga alitan sa frontline upang mapahusay ang kanilang kakayahan sa pagbibigay ng serbisyo sa mga biyahero at iba pang kliyente ng BI.
Kasama rin ni Viado sa seremonya si Atty. Cris Villalobos, Hepe ng Human Resource and Development Division.
Binubuo ng 17 kababaihan, 10 kalalakihan, at 2 LGBTQIA+ ang mga nagsipagtapos.

