BI

Viado: Transparency, efficiency sigurado sa BI

Jun I Legaspi May 17, 2025
29 Views

PINAGTIBAY ng Bureau of Immigration (BI) ang pangako nito na magiging transparent at accountable sa serbisyo matapos atasan ni Commissioner Joel Anthony Viado ang mga opisyal ng BI na tiyaking nasusunod ang mga proseso sa immigration na puno ng integridad at katapatan.

Bahagi ang utos ng BI chief sa pagsisikap ng ahensya na panatilihin ang tiwala ng publiko at matiyak ang pinakamataas na antas ng propesyonalismo sa lahat ng operasyon nito.

Kasunod ito ng isang online post tungkol sa umano’y iregularidad sa proseso ng visa na agad tinutugunan ng Bureau sa pamamagitan ng mga nararapat na hakbang.

Binigyang-diin ni Viado ang kahalagahan ng maagap na pagtiyak na ang mga serbisyo naipapamahagi ng patas, episyente at walang hindi nararapat na impluwensya.

“Partikular, nais naming gawing mas episyente ang pagproseso ng tourist visa. Nagsagawa na kami ng online applications, ngunit dapat ding manatiling madali at ma-access ng publiko ang personal na pagproseso,” sabi ni Viado.

Ayon kay Viado, ang tourist visa section ng BI nagpoproseso ng mga aplikasyon sa loob ng itinakdang timeframe ng Anti-Red Tape Authority.

Simula pa noong 2018, may ISO certification na ang BIA at regular na sumasailalim sa panloob at panlabas na audit upang matiyak ang kalidad at pagsunod sa tamang proseso.

Iginiit ni Viado na ang kanyang administrasyon nagsusulong ng kultura ng bukas na pamamahala at transparency at tumatanggap ng anumang inisyatiba na naglalayong pagbutihin ang sistema at pangalagaan ang integridad ng mga tauhan nito.

Binibigyang-pugay rin niya ang dedikasyon ng mga frontliners at kawani ng ahensya na aniya’y karamihan naglilingkod nang tapat at episyente.

“Umaasa kami na hindi matatakpan ng mga hindi beripikadong alegasyon ang maraming reporma at positibong pagbabago na aming pinaghirapan,” dagdag niya.