Madrona

Vice-Chair ng House Committee on Transportation bumilib sa tapang ni PBBM

Mar Rodriguez Feb 3, 2025
12 Views

BUMILIB ang Vice-Chairman ng House Committee on Transportation na si Romblon Lone Dist. Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. matapos nitong palagan ang “kaangasan” ng China sa West Philippine Sea (WPS).

Nauna rito, matapang na sinagot ni Pangulong Marcos, Jr. ang mistulang “maangas” na panawagan ng China na alisin ang US Typhoon missile launchers na ipinosisyon naman sa hindi matukoy na lugar sa Luzon kung saan ay hindi ito nagustuhan ng Punong Ehekutibo.

Binigyang diin ni Madrona, Chairman din ng House Committee on Tourism, na akmang-akma ang binitiwang matapang na pahayag ng Pangulong Marcos, Jr. sapagkat ipinapakita lamang nito na hindi nagpapatinag ang Pilipinas sa pangdu-duro ng China.

Sinang-ayunan ng kongresista ang matigas na pananalita at paninidigan ni PBBM na dapat ng itigil ng China ang ginagawa nitong harassment sa mga Pilipinong mangingisda sa WPS kung nais nitong isauli ng Pilipinas ang hiniram na Typhoon missile sa Estados Unidos.

Ayon kay Madrona, napapanahon na para maipakita naman ng Pilipinas sa China na bagama’t nakaka-angat ang kanilang bansa pagdating sa palakasan ng “military equipments” ay hindi naman basta-basta magpapa-sindak at magpapa-duro ang mga Pilipino.

“Tayong mga Pilipino kahit may dis-advantage tayo pagdating sa paramihan at palakasan ng military equipments. Ipinapakita naman natin na hindi tayo basta-basta kayang sindakin. Diyan ako humanga sa ating Pangulo dahil pinalagan niya ang China,” sabi ni Madrona.

Bukod dito, sinabi ng mambabatas na hindi rin nito maunawaan kung bakit patuloy na nakiki-alam ang China sa missile system ng Pilipinas gayong malakas naman ang kanilang ginagamit.