Zamora3 Tinalakay nina San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora (gitna), vice chair ng House committee on justice, at Atty. Deanna Lorenzo Singian (kanan) ang mga implikasyon ng petisyong inihain sa Korte Suprema kaugnay ng mga pagdinig sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, sa Saturday News Forum na lingguhang ginaganap sa Dapo Restaurant sa Quezon City. Kasama rin nila si Department of Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa (kaliwa) na naglahad ng mga hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga produktong agrikultural at suplay ng pagkain.

Vice Chair Zamora: Di uurong ang Kamara sa pagpapatuloy ng impeachment proceedings

91 Views

Sa kabila ng SC petition, di pagdalo ni VP Sara

HINDI uurong ang Kamara de Representantes sa pagpapatuloy ng mga pagdinig sa impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte, sa kabila ng petisyong inihain sa Supreme Court (SC) at sa patuloy nitong pagtangging dumalo sa mga pagdinig, pahayag ng vice chair ng House committee on justice na si San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora nitong Sabado.

Binigyang-diin ni Zamora na magpapatuloy ang panel sa pagtupad sa tungkuling itinatakda ng Konstitusyon habang nagsasagawa ito ng mga pagdinig at tinutukoy ang probable cause.

“Ang proseso ay nakasaad sa Constitution, nakasaad po ito sa rules which we adopted at the start of this term. It’s the same rules that we adopted in the previous terms. Wala pong pinagbago ’yan,” ani Zamora sa Saturday News Forum na ginanap sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

“In fact, in the previous impeachment complaints, ’yan din po ang rules na ginamit nila. Why would we scale back just because a party is uncomfortable? That would be irresponsible on our part,” diin pa niya.

Sinimulan na ng komite ang pagdinig sa dalawang natitirang reklamo ng impeachment laban sa Pangalawang Pangulo, kung saan inaasahang magtatanong ang mga miyembro para sa paglilinaw bilang bahagi ng proseso.

Hanggang sa kasalukuyan, tumanggi pa rin si Duterte na personal na humarap sa panel.

Ginawa ni Zamora ang mga pahayag bilang tugon sa mga kritisismo mula sa kampo ni Duterte at sa mga tagasuporta nito, na tinawag ang mga pagdinig na isang “fishing expedition” at kinuwestiyon kung dapat bang bawasan ng Kamara ang proseso dahil sa mga pagtutol ng Pangalawang Pangulo.

Aniya, hindi maaari at hindi rin babaguhin ng Kamara ang proseso dahil lamang ito ay kinukuwestiyon o itinuturing na hindi komportable sa larangan ng pulitika.

Dagdag pa ni Zamora, inaasahan na ang mga hakbang na legal mula sa kampo ng Bise Presidente — kabilang ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa mga pagdinig.

“Well, kaya nga siya may abogado. We expected her to do everything to question the proceedings before the Committee on Justice,” aniya.

“Kaya nga sabi namin, expected naman na magkakaso siya sa Supreme Court,” saad pa ni Zamora.

Tiniyak niya sa publiko na mahigpit na sumusunod ang Kamara sa Konstitusyon at sa mga sariling tuntunin nito.

“But we assure the public that we are doing everything that is dictated by the Constitution and by the rules,” pahayag ni Zamora.