Calendar
Vice muling nagpaalala sa paglaganap ng fake news/misinformation
Sa gitna ng tumitinding paglaganap ng bashers, haters, fake news at misinformation sa internet, partikular na sa social media, minsan pa ay nagbigay ng babala si Vice Ganda sa madlang people na maging maingat sa pagpo-post.
“Muli ay gusto naming paalalahanan ang lahat,” aniya sa “It’s Showtime,” “maaari tayong magkaroon ng iba’t ibang opinyon sa mga pangyayari, sa mga bagay, sa mga tao at karapatan nating magkaroon ng mga opinyon.”
Patuloy niya, “Pero dapat lang din, maisip natin na ang ating mga karapatan ay hindi makakatapak sa karapatan din ng iba.”
Idiniin din niya na iba ang opinyon sa akusasyon.
“Maaari kang magbigay ng opinyon. Iba ang opinyon pero iba ang akusasyon,” aniya.
“Ang lahat ay binibigyan namin ng paalala. Maging mapanuri sa mga inilalagay o ipino-post sa social media. Dahil anumang inilalagay n’yo diyan ay maaaring ikapahamak ng iba at maaaring ikapahamak mo at pagsisihan mo. ‘Yun po ang paalala namin sa lahat,” pahayag pa ni Meme Vice.
Samantala, matatandaan na isa ang Unkabogable Star sa celebrities na naimbitahan ng Kongreso sa hearing na isinagawa ng House Tri Committee last Friday hinggil sa paglaganap ng fake news sa bansa.
Bukod kay Vice, ang iba pang celebs na naimbitahan sa hearing ay sina Ruffa Gutierrez, Baron Geisler at Mon Confiado. Sila ay ilan lamang sa mga artistang nabiktima ng fake news.
Hindi nakadalo ang naturang celebrities sa hearing dahil may iba’t iba rin silang commitments ngunit inaasahan daw ng Kongreso ang pagdalo ng mga ito sa mga susunod na hearing.