Calendar

Villafuerte sa DOTr: Local, banyaga ng kompanya pasalihin sa PTMP
HINIMOK ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, pangulo ng National Unity Party (NUP) at gobernador-elect ng probinsya, ang Department of Transportation (DOTr) na pahintulutan ang mas maraming lokal at banyagang kumpanya ng sasakyan na makibahagi sa Public Transport Modernization Program (PTMP).
Layunin ng panawagan ng mambabatas na bumaba ang presyo ng environment-friendly na sasakyan at mas maging abot-kaya ito para sa mga operator at tsuper ng pampublikong sasakyan.
Sa isang pagdinig kamakailan ng Commission on Appointments (CA), binanggit ni Villafuerte na dahil sa limitadong bilang ng mga kumpanyang accredited sa PTMP, nahihirapan ang mga lokal na pamahalaan at iba pang institusyong nais lumahok sa programa na makahanap ng abot-kayang electric vehicles (EVs).
Limitado rin ang opsyon sa financing para sa mga PUV operator at tsuper dahil tanging Land Bank of the Philippines (LandBank) at Development Bank of the Philippines (DBP) lamang ang pwedeng lapitan para sa pautang.
“Ako’y naniniwala na isang solusyon ay ang pagbubukas ng akreditasyon ng mga sasali sa PTMP.
Maraming kumpanyang Pilipino na may suporta mula sa dayuhang pondo ang nais pumasok sa EV market, lalo na para sa mga PUVs,” ani Villafuerte.
Sa Camarines Sur, isinusulong ng provincial government ang programa para palitan ang mga lumang PUVs sa ilalim ng PTMP.
Isa sa mga panukala ay umutang ang pamahalaang panlalawigan sa LandBank o DBP upang pondohan ang mga modernong sasakyan at ang gobyerno ng lalawigan na rin ang maniningil ng buwanang hulog mula sa mga operator at tsuper.
“Ang problema ay saan kami bibili ng mga yunit? Limitado ang mga pagpipilian,” aniya.
Dagdag pa ni Villafuerte: “Kapag binuksan natin ito at pinalawak ang kompetisyon, mas dadami ang supply.
Kapag maraming pagpipilian, bababa ang presyo. Kaya kailangan talaga ng DOTr na i-liberalize ang sistema.”
Kung ang mga kumpanya ay may ISO certification at sumusunod sa Euro 4 emissions standards, “madali na silang dapat ma-accredit,” aniya.
“Ngunit sa ngayon, sa kasamaang-palad, tila hindi naging matagumpay at naantala ang programa.”
Sumang-ayon si Sen. Grace Poe-Llamanzares, miyembro ng CA, at iginiit na dapat na talagang buksan ang sistema: “Tama si Congressman LRay, dapat buksan na natin.
Alam mo ang problema talaga sa LTO, LTFRB—ang daming isyu d’yan. Pero kayo na ang namumuno ngayon, tignan na lang kung gaano kaayos ang vetting process.”
Inaprubahan ng CA en banc ang appointment ni DOTr Secretary Vivencio Dizon noong Hunyo 4, isang araw matapos i-endorso ni Villafuerte sa hearing.
Ayon kay Dizon, kasalukuyang nasa P2.5 milyon hanggang P2.8 milyon ang presyo ng bawat yunit ng modernong sasakyan.
Kapag ibinawas ang 15% government subsidy, nasa P2.3 milyon ang kailangang bayaran ng operator.
Sa loob ng limang taon na hulugan, aabot sa P40,000 ang buwanang amortization—o tinatayang P1,600 bawat araw kung anim na araw kada linggo ang biyahe ng sasakyan.
Nagpahayag din si Dizon ng suporta sa pagbubukas ng merkado para sa ibang supplier.
Handang lumahok sa programa ang Toyota Motor Philippines at BYD Philippines ng Ayala Group na may kakayahang magbigay ng mas murang financing.
Pati si dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson ay gumagawa rin ng mga sasakyan sa Batangas na nagkakahalaga ng P1.3 milyon bawat isa.
“Sa ngayon, nasa 60 lang ang accredited suppliers at halos lahat imported, karamihan mula China.
Kung bubuksan ito, mas maraming makakapagbigay ng mas murang sasakyan,” paliwanag niya.
Sinabi naman ni PCO Usec. Claire Castro na itutuloy ng pamahalaan ang PTMP ngunit aminadong kailangang repasuhin ito upang mas maging abot-kaya at epektibo para sa mga tsuper.