Villar

Villar nanawagan ng mas malakas na mental health, guidance programs sa mga paaralan

27 Views

NANAWAGAN si Sen. Mark Villar na palakasin ang mental health awareness at guidance programs sa mga paaralan.

Hindi dapat limitado sa pisikal na seguridad ang school safety, kundi dapat kasama rin ang support systems na tutulong sa mga estudyante sa kanilang personal, emosyonal, at panlipunang pinagdaraanan.

Ayon sa kanya, mas maagang matutulungan ang mga estudyante kung may maayos na guidance system at access sa mental health services sa mga paaralan.

“Kapag may maayos na sistema ng paggabay at sapat na access sa mental health services, mas nabibigyang pansin ang mga pinagdadaanan ng ating mga kabataan, at matutulungan at gagabayan din sila,” sinabi ni Villar.

Binanggit ni Villar ang kanyang Senate Bill No. 2133, o Students’ Guidance and Counseling Act, na naglalayong palakasin ang guidance and counseling programs sa educational institutions.

Layunin ng panukala na tiyakin ang sapat na bilang ng qualified guidance personnel, palawakin ang access sa mental health services, at gawing bahagi ng sistema ang preventive intervention programs para sa mga estudyante.

Sinabi ni Villar na hindi dapat tingnan ang guidance office bilang lugar na pinupuntahan lamang kapag may disciplinary concern, kundi bilang espasyo kung saan maaaring humingi ng payo at tamang suporta ang mga estudyante.

“Ang guidance office ay hindi lamang dapat puntahan kapag may disciplinary concern. Dapat itong maging isang lugar kung saan komportableng lumalapit ang mga estudyante upang humingi ng payo,” sinabi ni Villar.

Ayon sa senador, kailangan ang pagtutulungan ng pamilya, paaralan, mental health professionals, lokal na komunidad, at mga ahensya ng gobyerno upang mapangalagaan ang mental well-being ng mga estudyante.

“Responsibilidad natin, bilang mga nakatatanda at mga magulang nila na lumikha ng isang kapaligirang ligtas, may malasakit, at may mga taong handang makinig, gumabay, at umalalay sa kanila—pisikal, mental, at emosyonal,” sinabi ni Villar.