Calendar

Vlogger nag-drive nakataas paa, binawi ng LTO lisensya
SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na habulin ang mga pasaway na motorista, sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng vlogger matapos mag-viral ang video nito na nagpapakita ng mapanganib na asal sa pagmamaneho.
Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr., ang ipinakitang asal sa video ni Cherry White ay maaaring magdulot ng aksidente sa kalsada na hindi lamang naglalagay sa panganib sa kanyang sariling buhay, kundi pati na rin sa kaligtasan ng ibang motorista at mga pedestrian.
“Sinimulan na po natin ang imbestigasyon, at unang hakbang dito ang pagpapalabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa kanya,” dagdag pa niya.
Makikita umano sa video na nakaupo sa hindi wastong posisyon ang vlogger habang nagmamaneho, kung saan ang isa niyang paa ay nakaangat sa driver’s seat. Lumalabas na tila hindi siya nakatutok sa pagmamaneho, na maaaring magdulot ng kapahamakan sa ibang motorista.
Sa SCO, inatasan ang nasabing vlogger na magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat panagutin bilang isang “Improper Person to Operate a Motor Vehicle.”
Inatasan din siyang humarap sa LTO Central Office sa Quezon City. “Dahil sa bigat ng insidente, ang Driver’s License nakapangalan sa a.k.a. ‘Cherry White’ ay pansamantalang sinuspinde sa loob ng 90 araw,” ayon sa SCO.
Ayon pa kay Pua, ang sasakyang ginamit sa nasabing viral video ay inilagay na rin sa ilalim ng alarma habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.