Calendar
VP Sara: Ang Pasko ay para sa mga mahal sa buhay, pagpapatawad
IPINAALALA ni Vice President Sara Duterte sa publiko na ang Pasko ay para sa ating mga mahal sa buhay at para magpatawad.
Binitiwan ni Duterte ang mensaheng ito sa ceremonial lighting ng giant Christmas tree sa San Pedro Laguna.
“Tandaan po natin na ang Pasko ay para sa ating mga mahal sa buhay at ang Pasko ay para po sa pagpapatawad,” sabi ni Duterte. “Hindi importante na hindi malaki o magarbo ang ating celebration ng Pasko. Ang importante po ay masaya tayo at masaya ang ating mga mahal sa buhay at ating pamilya at mahanap natin sa puso natin na magpatawad sa mga tao na gumawa ng mali o may kasalanan sa atin.”
Ginamit din ni Duterte ang pagkakataon upang pasalamatan ang mga sumuporta sa kanya at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Yan talaga yung tema ng pasko— pagmamahal, pagpapatawad, pagbibigay, kindness. Yan din yung message natin sa ating mga kababayan dahil ang pananawagan natin ay unity kaya meron ding kalakip yon ng pagpapatawad hindi lang sa pulitika but even sa personal lives natin— working together with our neighbors, with our officemates, with our family,” dagdag pa ng Ikalawang Pangulo.
Nagpasalamat din ito sa pagsuporta ng mga taga-Laguna sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nanawagan din si Duterte sa mga magulang na itanim sa isip ng kanilang mga anak ang kahalagahan ng pag-aaral.
“Sana po mapilit natin, mapursige natin ang pag-aaral ng ating mga anak. Hindi po pwede na papayagan natin na hindi sila pumasok sa paaralan. Nasa atin pong mga magulang ang disiplina at pagtuturo ng magandang asal sa ating mga anak,” sabi ni Duterte na siya ring tumatayong kalihim ng Department of Education.