Ortega

VP Sara dedma sa confi fund isyu, pakita na iwas pananagutan siya

17 Views

BINATIKOS ni House Deputy Majority Leader at La Union Rep. Francisco Paolo Ortega V si Vice President Sara Duterte sa pagbabalewala nito sa mga alegasyon ng mga pekeng pangalan na binigyan nito ng kanyang confidential funds.

Ayon kay Ortega, ang hindi pagseseryoso ni Duterte sa isyu ay isang malinaw na pagpapakita ng kawalan ng pananagutan nito sa paggastos ng pondo na ipinagkatiwala ng mga mamamayan.

“Ipinakita niya na wala siyang pakialam sa isyung ito. Instead of addressing the mounting evidence against her, she continues to shrug it off as if it were a joke,” ani Ortega.

“She should be preparing for her impeachment trial, not making light of allegations involving potentially hundreds of millions in public funds,” dagdag niya.

Pinuna ng mambabatas ang kamakailang pahayag ni Duterte na tila minanaliit ang mga kaduda-dudang benepisyaryo ng pondo, kabilang ang limang indibidwal na pare-parehong may pangalang “Dodong,” gayundin sina “Jay Kamote” at “Miggy Mango.”

Aniya, ang mga bagong pangalang ito ay dumagdag sa listahan ng mga kahina-hinalang benepisyaryo tulad nina “Mary Grace Piattos,” “Pia Piatos-Lim,” “Renan Piatos,” at “Xiaome Ocho”, na tila ginaya mula sa mga brand ng chichiria at cellphone companies.

“Kung wala talagang anomalya, bakit ganito karaming katawa-tawang pangalan ang nasa listahan ng confidential fund recipients ng OVP?” tanong ni Ortega.

“Dapat ay sinisigurado nilang maayos ang liquidation ng pondo, pero lumalabas na parang ginagawang mababaw ang usapin.”

Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na maraming pangalan sa listahan ng confidential fund recipients ng Office of the Vice President (OVP) ang walang record ng kapanganakan, kasal, o kamatayan.

“Dapat iniimbestigahan ito, hindi binabalewala. These are public funds, not play money,” dagdag ni Ortega.

“Her dismissal of the issue only raises more suspicions.”

Ayon sa sertipikasyon ng PSA na isinumite sa House Committee on Good Government and Public Accountability, sa 1,992 kataong nasa listahan ng fund recipients, 1,322 ang walang birth records, 1,456 ang walang marriage records, at 1,593 ang walang death records. Dahil dito, lalong lumakas ang panawagan para sa masusing pagsisiyasat sa paggamit ni Duterte ng confidential funds.

“Parang imaginary payroll ito. Hindi natin matukoy kung totoong tao ba ang mga tumanggap ng perang galing sa CIF,” ani Ortega.

“Wala siyang sagot, kundi pagtanggi at pagbalewala.”

Ayon kay Ortega, lalo pang bumababa ang kredibilidad ni Duterte dahil sa kawalan niya ng malinaw na sagot sa mga alegasyon.

“Kung wala siyang kasalanan, bakit hindi siya ang nangungunang humihiling ng imbestigasyon? Kung totoo ang mga pangalan, bakit hindi niya ipakita ang listahan sa publiko?” tanong ng mambabatas.

Babala pa ng kongresista, ang impeachment trial ni Duterte ay hindi lamang isang prosesong pampulitika, kundi isang mahalagang pagsubok sa pananagutan ng mga opisyal ng gobyerno.

“Hindi ito simpleng impeachment lang. This is about whether or not the second-highest official of the land misused public money. She owes the people answers,” aniya.

“Walang Pilipinong dapat payagan ang ganitong klaseng pambabastos sa pera ng bayan. Hindi tayo tanga. Ang mga pangalan na ito ay hindi aksidente – sila ay bahagi ng isang mas malaking modus,” dagdag niya.

“If she believes in the rule of law, she must submit herself to the process. Patunayan niyang wala siyang kasalanan – hindi sa pamamagitan ng pagtanggi, kundi sa pamamagitan ng ebidensya.”