Calendar

VP Sara di pa rin masagot sino binigyan ng confi funds
NAGPAPALUSOT na lang umano si Vice President Sara Duterte kaugnay ng kinukuwestyong mga pangalan na binigyan nito ng confidential fund.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw na naipapaliwanag ni Duterte kung saan napunta ang kanyang milyun-milyong confidential fund.
“Hindi ko alam kung paano, ano pang palusot o ano pang irarason nila talaga diyan. Sabi ko nga, masasagot na lahat yan sa ating impeachment,” sabi ni Ortega sa isang press conference nang mahingan ng reaksyon kaugnay sa pahayag ni Duterte na kinukuwestyon ang authenticity ng mga dokumento kaugnay ng kanyang ginawang paggastos sa kanyang confidential funds.
Diin niya ang kawalan ng opisyal na record ng naturang mga tumanggap ng confidential fund gaya ng birth certificate, sertipikasyon ng kasal at kahit kamatayan ay maituturing na seryosong red flag.
“May supporting documents po lahat, kumbaga wala po silang pagkatao. Walang birth certificate, walang marriage certificate, wala rin death certificate,” he pointed out.
Kabilang sa mga pangalan ang “Mary Grace Piattos”, “Dodong Alcala” at “Jay Kamote” – na napukaw na rin ang galit ng publiko at nanghihingi na ng tugon mula sa Pangalawang Pangulo.
“Sabi ko nga, if that’s a procedure, may procedure po tayo with handling confidential intelligence funds, madali pong sagutin talaga ‘yun. Kasi nga kung sumunod ka sa procedure, at diba mas madali po talagang sagutin ‘pag alam mo,” sabi niya.
Natanong si Duterte sa The Hague tungkol sa humahabang listahan ng mga pangalan, ngunit tugon niya na hindi niya maberipika ang mga ito.
Pero para kay Ortega, paraan na naman ito para umiwas sa pananagutan.
“Ngayon sabi ko nga po meron tayong nakabinbin na impeachment. Then that will be answered during the impeachment sa Article 2,” pagbibigay diin ni Ortega sa kahalagahan ng impeachment para mabigyang linaw ang mga alegasyon.
Batay rin aniya sa sentimiyento ng publiko, mas nais nila ng transparency at pananagutan.
“Makikita natin ‘yung kalye survey, talagang ramdam na ramdam mo sa taong bayan na, huy ano bang tong mga to, sino ba tong mga to? Bakit hindi nila mapaliwanag?” aniya.
May komento rin ang mambabatas sa pananatili ni Duterte sa The Hague kung saan naroroon ang kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nakapiit ngayon sa International Criminal Court detention facility.
Bagamat naiintindihan ang desisyon na nais lamang niya samahan ang kaniyang ama, dapat ay paghandaan din ni Duterte ang pagtugon sa mga alegasyon laban sa kaniya.
“Nung wala pa naman sa The Hague, wala din naman tayong nakuhang sagot. Actually, during the hearings, puro parang ano nga maraming sagutan, maraming drama pero there wasn’t a straight answer na nakuha natin,” aniya.
Ang patuloy na pagtanggi ni Duterte na tumugon ay nakakadagdag lang aniya sa paghihinala. Babala pa niya na sa paglilitis ng impeachment ay walang puwang ang mga hindi malinaw na sagot o paiwas na mga pahayag.
“Pero dapat ding paghandaan ‘yung impeachment dahil ito ay tungkol sa pananagutan niya bilang Pangalawang Pangulo,” giit niya.
Sa inaasahang pagsisimula ng paglilitis sa Hunyo, hinikayat ni Ortega ang bise presidente na itigil na ang mga palusot at harapin ang katotohanan.
“Lahat ng assumptions, lahat ng palusot, lahat ng mga tanong natin, lahat tayo nagtatanong, eh masasagot na po lahat. Magkakaroon na po ng liwanag,” sabi niya.