VP Sara impeachment ipaliliwanag sa publiko – TEAM PINAS

23 Views

ISANG independent watchdog ang magmo-monitor ng Senate impeachment trial, lalaban sa disinformation at tutulong para ipaalam sa publiko na mahalaga ang impeachment process laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Sa news forum, ibinalita ni TEAM PINAS Executive Director Carlo Flores na ilulunsad nila ang Bantay Senado, isang grupo na walang sasantuhin at walang kinikilingan na may tatlong marching orders: ibunyag ang katotohanan, maging tulay para i-propagate ang kahalagahan ng impeachment at ang magiging resulta ng impeachment.

“Ito ’yung magiging unang impeachment trial na dominant na ang social media at generative artificial intelligence,” pahayag ni Flores.

Ayon sa kanya, naging komplikado ang impeachment dahil sa sandamakmak na disinformation at naglipanang artificial intelligence (AI) tools at mediums.

“Ang medyo nag-ibang complexion sa panahon ng impeachment trial this year is ’yun nga ’yung disinformation na sinasadya,” sabi ni Flores.

May tatlong mahalagang task ang grupo: monitoring, explaining at pagpapaalala sa public officials ng kanilang mga obligasyon.

Tututukan ng Bantay Senado ang impeachment at ipaliliwanag sa tao kung anong mga magiging epekto nito.

Dadalhin sa mga barangay, mga simbahan at mga paaralan ang isyu ng impeachment at ipaliliwanag sa lengguwahe na payak.

“Ipapaliwanag, ano ’yun nangyari sa proseso kahapon? Bakit siya mahalaga. Bibigyan natin ng unbiased at grounded doon sa batas na analysis. Ico-communicate ’yan either English or Tagalog, kung gusto n’yo Young Stunna o si Gengeng para maitawid natin ’yung lengguwahe,” ayon kay Flores.

“Tandaan natin na hindi lang ang nasasakdal si VP Sara, hindi lang ang Senado ang bahagi ng impeachment trial. Pangatlong pinakamalaki ang taumbayan,” saad ni Flores.