Calendar
VP Sara impeachment trial tapos bago mag-Pasko–prosecution panel
OPTIMISTIKO ang lead prosecutor ng House prosecution panel na si Rep. Gerville Luistro na matatapos ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte bago mag-Pasko.
Personal na hangarin ng kongresista na matapos ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte bago mag-Pasko.
“Ako, I am personally aiming before Christmas para masaya ang Pasko natin lahat,” sabi ni Luistro.
Ginawa ni Luistro ang pahayag ng tanungin kung kailan inaasahan ng prosekusyon na matatapos ang paglilitis matapos nitong bawasan ang bilang ng mga testigo para sa
Article IV ng Articles of Impeachment.
Ayon sa kongresista, kasalukuyang nire-review ng prosekusyon ang listahan ng mga testigo para sa tatlo pang natitirang articles of impeachment na maaaring magkaroon ng pagbabago sa listahan depende sa magiging takbo ng paglilitis.
“But of course, you have to consider also that there are times when it is the exigency of the trial that demands for the withdrawal of some of the witnesses,” dagdag pa niya.
Binanggit ni Luistro ang naging desisyon ng prosekusyon na bawiin ang ilang testigo para sa Article IV matapos nilang masuri ang mga testimonya nina National Bureau of Investigation (NBI) Agent John Mark Calilung at Atty. Jeremy Lotoc.
Ayon kay Luistro, saka lamang nila matitiyak kung kailangan pa ng karagdagang mga testigo matapos marinig nang buo ang mga testimonya ng mga nauna nang humarap sa witness stand.
Nakasaad sa kanilang pre-trial brief na may karapatan ang prosekusyon na magbawas o magdagdag ng mga testigo kung kakailanganin batay sa magiging takbo ng paglilitis.
“Kung hindi man pagwi-withdraw, pwede rin magkaroon ng additional if the exigency of the trial demands,” aniya.
Nakatakdang tumestigo sa Martes si NBI Director Melvin Matibag bilang huling testigo ng prosekusyon para sa Article IV bago lumipat sa pagtalakay ng Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit at iregular na paglabas ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

