Sara1

VP Sara kinondena sa hindi pagrespeto sa security protocol ng Kamara

14 Views

KINONDENA ng isang mambabatas si Vice President Sara Duterte sa hindi nito pagrespeto at pagsunod sa security protocol ng Kamara de Representantes ng manatili sa loob ng Batasan Complex matapos bisitahin ang kanyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez na nakakulong matapos umanong hilingin sa Commission on Audit na huwag ibigay sa Kamara ang mga dokumento kaugnay ng paggastos ng Ikalawang Pangulo sa confidential fund nito.

Para kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang ginawa ni Duterte ay isang kawalang respeto sa institusyon at sa mga empleyado nito.

“Para sa akin lang, kasi opisyal tayo, dapat careful tayo sa ating mga aksyon. Dapat ito ay tinitignan natin kasi it will show our character, nagre-reflect ‘yung character natin sa ating mga aksyon,” ani Chua sa isang press conference.

“Ang sa akin lang, hindi ko naman po masasabi kasi po si Vice President mataas ang pinag-aralan, isa po siyang abogada. So sana ‘yung respeto sa mga tao, lalo sa mga mas maliliit sa kanya, sana ibigay din po niya,” dagdag pa nito.

Nanawagan si Chua kay Duterte na pagnilayan ang kanyang ginawa at ang epekto nito sa Kamara bilang isang institusyon.

“Respect begets respect,” wika pa ni Chua kasabay ang paggiit sa kahalagahan ng pagsunod sa mga itinakdang pamantayan.

Si Chua ay humarap sa media kasama si House Sergeant-at-Arms retired Police Maj. Gen. Napoleon Taas upang sagutin ang mga tanong kaugnay ng mga naging aksyon ni Duterte.

Alas-2 ng hapon umano dumating ang advance party ni Duterte sa Kamara para sa planong pagdalaw ng Ikalawang Pangulo kay Lopez.

Dumating si Duterte alas-7:45 ng umaga at kinausap si Lopez sa Visitor’s Center malapit sa South Gate.

“At about 10 o’clock, the Vice President together with Usec. Lopez actually prepared to leave the premises of the Visitor’s Center, as we have requested,” sabi ni Taas. “The Vice President, at about 10:05, also rode her convoy… we assumed she would exit the House of Representatives.”

Sa halip na umals, dumeretso umano si Duterte si Room 304 ng South Wing Annex Building kung saan ang opisina ng kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte.

Umapela umano ang mga opisyal ng Kamara, kasama na si Taas, kay Duterte na umuwi na subalit hindi umano sila pinakinggan at nanatili doon.

“By 11:30 p.m., I personally appealed to the protocol and security of the Vice President at Room 304 if they could possibly leave the premises, as there’s always a practice during long weekends that we turn off power in all our buildings,” paliwanag ni Taas.

Pero nanatili pa rin umano si Duterte sa loob ng kuwarto kaya nagkaroon ng kuwestyon sa seguridad at pagka-antala ng operasyon ng Kamara.

“So ulitin ko ang pakiusap ko na ang ating mga empleyado dito kasama na dito ang ating Sergeant-at-Arms ay ginagawa lang po nila ang kanilang tungkulin at trabaho. Sana po sumunod po tayo sa mga patakaran dahil ito po ay pagpapakita lamang ng respeto sa institusyon,” sabi ni Chua.

Tinuligsa rin ni Chua ang limitadong pagsunod ni Duterte sa proseso ng institusyon na nakakadalaw sa nakadetine sa Kamara at nasamahan ang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig pero hindi makapunta sa pagdinig ng komite upang sagutin ang isyu ng confidential funds.

“Nakikita naman po natin parang kung kailan lang niya gusto, kung ano lang ang gusto niya, ‘yun lang ang gagawin niya,” sabi ni Chua.

“Kung tayo mismo hindi susunod sa batas, paano pa natin ipatutupad ang mga batas? Ang atin pong pangalawang pangulo ay isang abogada. Siya po ay pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng ating bansa,” dagdag pa nito.

Nauna rito ay hiniling ni Duterte na makasama ni Lopez sa detention facility pero hindi ito pinayagan ng Kamara dahil hindi man lang siya nito kamag-anak.

“Hindi po namin ma-allow siya dahil unang-una hindi naman po siya detainee,” paliwanag ni Chua.

“Pangalawa, high profile po siya, baka po may mangyari po dyan eh kawawa naman po ang ating mga empleyado rito. Alam naman po natin security risk po ‘yan, pangalawang pangulo po ‘yan,” saad pa ng solon.

Ayaw umano ng Kamara na palabasin na pinagbibigyan nito si Duterte.

“Otherwise sasabihin na may pinapaboran dito. Porke ba’t pangalawang pangulo pinapayagan ninyo? Eh paano naman ang maliliit na tao? ‘Yung mga ordinaryo na nakukulong dito. Siyempre ang batas naman po natin dapat pantay-pantay,” sabi pa nito.

“Ito pong ginagawa namin, trabaho namin ito. Meron pong ni-refer sa ating committee, ito ay inaksyunan natin. At ang pinag-uusapan po natin dito ay pera ng bayan,” saad pa ni Chua.

“So wala naman akong nakikita dito na politika. Ang nakikita ko po rito ay may pera nawawala, may kwestyunable po na transaksyon,” dagdag pa nito.