Adiong Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong

VP Sara kinondena sa ‘shame’ campaigning: Dignidad sa mga debate sa halalan ibalik — Rep. Adiong

17 Views

NANAWAGAN si House ad hoc committee on Marawi rehabilitation and victims compensation chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kay Vice President Sara Duterte na itigil ang kanyang “shame campaign” laban sa mga kandidatong kaalyado ng administrasyon at hinikayat ang lahat ng lider pulitikal na ibalik ang dangal, dignidad at paggalang sa pangangampanya sa eleksyon.

Ayon kay Adiong, na isa ring Assistant Majority Leader ng Kamara, bagama’t mahalaga ang karapatang magpahayag ng pananaw sa politika sa isang demokrasya, ang panlalait, pagbabanta at malaswang pananalita ay nakakasira sa diwa ng paglilingkod-bayan at nagpapahina sa democratic participation.

“The Filipino people deserve leaders who inspire by example, not those who intimidate with threats or vulgarity. The public square should be a platform for ideas, not a battleground for insults,” ani Adiong.

Ang pahayag ni Adiong ay kaugnay ng sunod-sunod na mabibigat na batikos at personal na pag-atake ni Vice President Duterte kina Manila Reps. Bienvenido Abante, Joel Chua at Rolando Valeriano at iba pang kaalyado ng administrasyon.

“This is not the leadership our people deserve. Strong leadership does not require bad language. It requires vision, courage and integrity,” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ni Adiong ang kanyang pagkabahala sa mga pahayag ng Bise Presidente, hindi lamang sa tono kundi pati na rin sa nilalaman ng mga ito, na aniya’y lumilihis sa mga isyung tunay na mahalaga sa taumbayan—gaya ng trabaho, edukasyon, kapayapaan at pagtatanggol sa soberanya ng bansa.

“Democracy thrives when we engage in respectful debate, not when we silence or shame one another. Let’s return to a time when policy ideas, not personal insults, defined our national conversations,” saad ng kongresista.

Binigyang-diin ni Adiong na ang mga nasa pamahalaan, lalo na ang mga may matataas na katungkulan, ay may tungkuling magsilbing huwaran sa mahinahon at makataong diskurso, at nararapat na iwasan ang pagiging mapanira at labis na dramatiko sa kanilang mga pahayag.

“Ang mga salitang binibitawan ng mga lider ay may bigat at epekto. Sa bawat mura at pananakot, nawawala ang tiwala ng mamamayan. Ang dapat ibalik sa politika ay dangal, hindi drama,” ani Adiong.

“Ang pamumuno ay hindi tungkol sa pagpapatahimik ng kalaban. Ito ay pagkilos para sa kapakanan ng lahat. Sa halip na manghiya, makinig. Sa halip na manakot, magpaliwanag,” dagdag pa niya.

Ipinaalala rin ng mambabatas na ang electoral campaign ay hindi dapat maging plataporma ng paghihiganti kundi pagkakataon upang ihain ang mga pananaw at plano para sa kinabukasan ng bansa.

“Our youth are watching. What they hear from our leaders becomes the norm. Let’s show them that power can be principled, and politics can be kind,” saad pa ni Adiong.

Dagdag pa niya, “Words matter, especially when they come from people in power. Every statement should promote unity, not division. Politics must not be reduced to drama or spectacle; it should be a solemn duty anchored on truth and compassion.”

Sa kanyang panawagan para sa isang makabagong uri ng politika, sinabi ni Adiong na ang bansa ay nasa isang kritikal na yugto, kung saan kailangan ng matinding pagbabago at pamumuno.

“This is not just a political campaign: it’s a cultural shift. It’s time to bring back honor, humility, and humanity in public service,” diin pa ni Adiong.