Valeriano

VP Sara masyadong arogante, lapastangan — Valeriano

Mar Rodriguez Nov 23, 2024
52 Views

PARA kay Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano, ang pagmamatigas ni Vice President Inday Sara Duterte na sundin at tumalima sa alintuntunin ng Kamara de Repesentantes ay isang lantarang pagpapakita kung gaano ito “ka-arogante at ka-lapastangan’.

Hindi nagustuhan ni Valeriano, chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, ang tila-masamang asal na ipinamalas umano ng Pangalawang Pangulo matapos itong magmatigas sa pamamagitan ng puwersahang pananatili nito ng “overnight” sa bakuran ng Kongreso para bisitahin at samahan ang kaniyang Chief-of-Staff na si Atty. Zuleika Lopez.

Binigyang diin ni Valeriano na lantarang ipinakita ni VP Sara Duterte na mistula siyang “siga” o astig na walang maaaring kumanti sa kaniya sapagkat kahit anong mangyari ay pinuwersa nitong manatili sa bakuran ng Kamara de Representantes kahit lampas na sa regular na oras ang kaniyang pagbisita na isang alituntuning ipinatutupad ng Kongreso sa lahat ng mga bumibisita.

Ayon sa kongresista, pagkatapos ng oras ng kaniyang pagbisita kay Atty. Lopez, sa halip na sumunod si VP Sara sa pakiusap ng House Secretary General’s Office na lisanin na nito ang Kongreso bandang alas-diyes ng gabi, nanatili pa rin umano ang Pangalawang Pangulo at nagtuloy sa opisina ng kaniyang kapatid na si Davao City Cong. Paolo “Pulong” Duterte at duon nagpalipas ng magdamag.

Dahil dito, muling pinagdiinan ni Valeriano na kahit ilang beses pinapakiusapan ng Sergent-At-Arms si VP Sara upang umalis ay binabalewala lamang niya ito. Ito rin ang naging dahilan para magpatupad ng lockdown para sa kaligtasan ng lahat ng mga tao na nasa bakuran ng Kamara para narin sa kanilang proteksiyon.

Sabi ni Valeriano na nais nitong ipaalala kay VP Sara Duterte na kahit siya pa ang pangalawang mataas na opisyal ng pamahalaan, may patakaran at protokol aniya na sinusunod sa Kongreso para tiyakin at kaligtasan ng Mababang Kapulungan.

“What she did was a display of arrogance and a conduct of unbecoming of a public official. Siya ang Pangalawang Pangulo ng bansa at siya ay isang Abogada kaya naniniwala ako na hindi maaaring hindi niya alam ang mga patakarang gaya nito. Nais ba niyang ipakita na siya ay siga at walang maaaring kumanti sa kaniya? Ganyan ba siya ka-arogante?,” sabi ng mambabatas.

Kasabay nito, hinamon naman ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez si VP Sara Duterte na na makabubuting dumalo na siya sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee upang magbigay ng kaniyang paliwanag kung papaano nito ginastos ang P612.5 milyong Confidential Fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

“Dapat lang siyang sumipot at mag-oath at magsalita at mag-esplika dahil lahat ng mga opisyales niya. Siya lang yata ang may alam kung anong nangyari diyan sa mga pondo eh’ kaya dapat siya ang mag-esplika,” sabi ni Speaker Romualdez.