Bucoy Atty. Antonio “Audie” Bucoy

VP Sara nag-eendorso ng Senate bets para iligtas ang sarili sa impeachment — human rights lawyer

17 Views

NANINIWALA ang isang kilalang human rights lawyer na ang pag-endorso ni Vice President Sara Duterte sa mga senatorial candidates ay naglalayong iligtas ang kanyang sarili na mahatulan na guilty sa impeachment trial at hindi para sa kapakanan ng publiko.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Atty. Antonio “Audie” Bucoy, miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at ng Movement of Attorneys for Brotherhood, Integrity and Nationalism (MABINI), na ang biglaang pagsuporta ni Duterte sa mga tumatakbong senador ay nagpapakita ng kanyang pangamba na ma-convict ng Senate impeachment court.

“Iyon pong pag-endorso niya para pong indikasyon na hindi siya nakasisiguro sa numero ng boto na makukuha niya para hindi siya ma-convict. Naniniguro siya by endorsing two additional candidates,” ani Bucoy, managing partner ng Bucoy Poblador & Associates.

Ang pag-endorso ni Duterte kina Sen. Imee Marcos at Las Piñas City Rep. Camille Villar ay tinawag ni Bucoy na malinaw na tangkang impluwensyahan ang magiging desisyon ng Senado.

Sinabi ni Bucoy na ang pag-endorso ni Duterte ay salungat sa mga nauna nitong pahayag sa publiko na kumpiyansa siyang mapapawalang-sala sa mga paratang laban sa kanya.

Sa kabila ng mga pahayag ng Bise Presidente na siya at ang kanyang mga abogado ay handa na, sinabi ni Bucoy na iba ang ipinapakita ng kanyang mga kilos.

Idinagdag pa niyang ang reklamong impeachment na inihain ng Kamara ay hindi isang political stunt kundi isang seryosong kaso na may kalakip na mga dokumento.

“Sigurado po ako pagdating ng trial sa Senado, kumpleto ang kanilang papeles. Baka nga makapagsusog pa sila,” ani Bucoy.

Ipinunto niyang ang pitong Articles of Impeachment na inihain ng Kamara ay maaaring ibuod sa tatlong pangunahing kategorya: destabilization at pagbabanta sa buhay nina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; pagtataksil sa tiwala ng publiko; at malawakang korapsyon.

“For me, the most important is the third—massive corruption and plunder of public funds,” ayon kay Bucoy.

Binigyang-diin niyang ang mga pondong umano’y naabuso sa ilalim ng pamumuno ni Duterte bilang Bise Presidente at Kalihim ng Edukasyon ay sana’y napunta sa mga silid-aralan, serbisyong pangkalusugan at tulong para sa mga maralitang pamilya.

“There should be economic justice. To attain economic justice, there must be accountability. Sa kada pisong ninanakaw mo sa kaban ng bayan, ‘yan ay piso na ninanakaw mo sa ordinaryong tao,” aniya.

Binatikos din ni Bucoy si Duterte dahil sa hindi nito pagbigay ng buong paliwanag sa paggamit ng confidential funds sa mga naunang pagdinig sa Kongreso.

Tinukoy niya ang unang pagtanggi ni Duterte na manumpa, na sana’y naglagay sa kanya sa obligasyong magsabi ng totoo.

“Kung meron ka talagang paliwanag, dapat ipapaliwanag mo kaagad,” aniya, at idinagdag na umano’y tinangka rin ni Duterte na pigilan ang mga opisyal ng Commission on Audit (COA) at Department of Education (DepEd) na tumestigo.

“Ang naririnig lang natin eh denial. Dapat ipaliwanag bakit hindi totoo,” dagdag pa niya.

Binatikos din niya ang mga kaalyado ni Duterte na nananawagan sa publiko na suportahan ang mga ineendorso niyang kandidato sa Senado upang siya ay maabsuwelto.

“Para sa akin, hindi plataporma ‘yun eh. Dapat ang plataporma ay ikabubuti ng mamamayan, hindi ng isang tao,” aniya.

Habang papalapit ang Senate trial, hinimok ni Bucoy ang publiko na manatiling mapagbantay at manawagan ng ganap na pananagutan.

“This is not just about one official. It’s about ensuring that no public servant can get away with robbing the nation of its future,” aniya.

“Kung may ginawang mali, dapat panagutin. Hindi pwedeng puro tapang pero wala namang paliwanag,” dagdag pa niya.

Inaasahang opisyal na magsisimula ang impeachment proceedings sa Hunyo, habang ang aktwal na trial ay maaaring umarangkada sa Hulyo, kung kailan naka-upo na ang mga mahahalal sa paparating na senatorial race.