Gutierez

VP Sara pinagbibitiw sa Gabinete, pumasok na lang sa SMNI

146 Views

DAPAT umanong magbitiw na lamang si Vice President Sara Duterte sa Gabinete kung hindi nito maususportahan ang mga polisiya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at mag-aplay na lamang sa Sonshine Media Network International (SMNI).

Sinabi rin ng dating tagapagsalita ni dating Vice President Leni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, dating kinatawan ng Akbayan party-list sa Kamara, na kung mas gusto ni Duterte ay paki-alaman ang ibang isyu sa labas ng kanyang ahensya—ang Department of Education—makabubuti kung umalis na ito sa Gabinete.

“Kung di niya type – o kaya – ang trabaho sa DepEd, baka dapat bitawan na niya. Baka naman may opening pa sa SMNI,” ani Gutierrez.

Sinabi ni Gutierrez na habang napakaraming isyu ang dapat na kaharapin ng DepEd upang matugunan ang education crisis ay mas pinipili pa nitong maki-alam sa mga isyu sa labas ng kanyag ahensya.

Isa sa tinukoy ni Gutierrez ay ang mabilisang pagpapalabas ni Duterte ng pahayag kaugnay ng pagpapalaya sa mga SMNI anchor na sina Lorraine Badoy at Jeffrey “Ka Eric” Celis na na-contempt sa komite ng Kamara.

“That Sara Duterte sees fit to immediately issue a statement on Badoy and Celis, but remains completely silent on China harassing Filipinos in the WPS, tells us all we need to know about her priorities as a public official,” punto ni Gutierrez.

“May DepEd Secretary tayong sumasawsaw sa lahat PWERA edukasyon: ICC, peace talks, ribbon cutting, bundok, China anniv,” dagdag pa ni Gutierrez na ang pinatutungkulan ay ang video message ni Duterte sa anibersaryo ng China kung sana nagsalita ito ng Chinese.

Nauna ng sinabi ni Gutierrez na nasa krisis ang edukasyon ng Pilipinas at ito ang dapat na tutukan ni Duterte bilang kalihim ng DepEd.

“Maraming problema ang kinakaharap ng sektor ng edukasyon ng ating bansa, mula sa kakulangan sa guro, imprastraktura at learning materials hanggang sa effectivity ng curriculum ng pampublikong paaralan,” sabi ni Gutierrez.

“Base sa ulat ng World Bank nitong 2023, 9 out of 10 sa mga Pilipinong mag-aaral sa edad ng sampung taong gulang ay kulang ang kakayahan sa pagbabasa. Patunay ito na nasa isang matinding education crisis ang ating bansa,” dagdag pa nito.

Nauna ng tinuligsa ni Gutierrez si Duterte matapos nitong kontrahin ang pahayag ng Pangulo na pag-aralan ang pagbabalik ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) at sa desisyon nito na muling buksan ang pakikipag-usap sa rebeldeng komunista.

“Ang kanyang pakikisawsaw sa mga isyu na labas na sa kanyang responsibilidad katulad ng pag-allow sa International Criminal Court na mag-imbestiga, pagsasagawa ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at ng communist rebels, pakikialam sa foreign relations sa pamamagitan ng pangunguna sa pagbati sa anibersaryo ng China at mga pagsasagawa ng ribbon cutting sa mga pribadong kumpanya ay sadyang nakakabahala,” giit ni Gutierrez.