Calendar
VP Sara pinatawag na ng Senado
NAIHATID na ng Senado ang summons kaugnay ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, na binigyan hanggang Hunyo 1, 2026 upang magsumite ng kanyang sagot, iniulat ni Senate President Alan Peter Cayetano sa sesyon nitong Miyerkules.
Kinumpirma naman ng Office of the Vice President (OVP) ang pagkatanggap ng nasabing summons.
“The Office of the Vice President confirms receipt of the Summons issued by the Impeachment Court at approximately 10:40 AM today, 20 May 2026,” ayon sa OVP.
Sinabi ni Cayetano na naihatid ang summons kay Duterte nitong May 20, 2026, at binigyan din ng kopya ang prosecution panel sa kaparehong araw.
“The summons in relation to the articles of impeachment filed against VP Sara Duterte was duly served upon Respondent Vice President Sara Z. Duterte,” ani Cayetano sa plenaryo.
Sa ilalim ng umiiral na mga patakaran, sinabi ni Cayetano na may 10 calendar days si Duterte mula sa service of summons upang maghain ng kanyang answer.
Ayon kay Cayetano, ang ika-10 araw ay papatak sana sa Sabado, Mayo 30, 2026, ngunit dahil Sabado ito, lilipat ang deadline sa susunod na working day.
“Accordingly, the deadline for Respondent to file her answer is on Monday, 01 June 2026,” ani Cayetano.
Magkakaroon naman ang prosecution panel ng limang calendar days mula sa aktuwal na pagtanggap ng answer ni Duterte upang maghain ng reply, kung nanaisin nitong gawin ito.
Ayon kay Cayetano, kailangan pang pag-usapan ng Senado ang impeachment calendar kaugnay ng legislative calendar, committee hearings at session schedule.
“I say this because we have to discuss the impeachment calendar and the staff is ready to brief us,” ani Cayetano.
Dumating ang update kasabay ng pag-asikaso ng Senado sa mga internal organizational matters, kabilang ang paghahalal ng ilang chairperson ng permanent committees bilang bahagi ng patuloy na reorganization ng kapulungan.
Sa sesyon, inihain ni Majority Leader Joel Villanueva ang mosyon para sa eleksyon ng mga committee chairperson alinsunod sa Rule 10, Section 13 ng rules ng Senado.
Nahalal si Senator Pia Cayetano bilang chairperson ng Committee on Accountability of Public Officers and Investigations, kapalit ni Senator Panfilo Lacson.
Nahalal naman si Senator Imee Marcos bilang chairperson ng Committee on Foreign Relations, kapalit ni Senator Erwin Tulfo.
Nanatili si Senator Camille Villar bilang chairperson ng Committee on Environment, Natural Resources and Climate Change.
Nahalal si Senator Robinhood Padilla bilang chairperson ng Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, kapalit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan.
Nahalal din si Senator Camille Villar bilang chairperson ng Committee on Government Corporations and Public Enterprises, kapalit ni Senator Mark Villar.
Walang tumutol sa paghahalal ng mga committee chairperson.
Nauna nang idineklara ni Cayetano ang pagkakaroon ng quorum matapos maitala ang presensya ng 23 senador.
Sinabi ni Cayetano na kailangan pa ring timbangin ng Senado ang impeachment timetable kasabay ng iba pang nakabinbing trabaho ng kapulungan, kabilang ang legislative business, committee hearings at plenary sessions.
Ang service of summons ang pormal na nagsisimula sa panahon para makapagsumite si Duterte ng kanyang sagot sa impeachment case sa Senado, habang ang paghahalal ng mga committee chairperson ay isa pang hakbang sa reorganization ng kapulungan.

