Calendar

VP Sara pinayuhang magbitiw ni Gadon kesa ma-impeach
PINAGBIBITIW na sa puwesto ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon si Vice President Sara Duterte.
Payo ito ni Gadon kay Duterte kesa ma-impeach sa puwesto.
Ayon kay Gadon, sa ganitong paraan, maisasalba pa ni Duterte ang kanyang political career dahil lumalakas ang mga panawagang ituloy ang impeachment trial.
Ayon kay Gadon, kung tuluyang maiimpeach si Duterte ay hindi na ito makatatakbo bilang Pangulo sa 2028 dahil maaari itong ma-disqualify sa paghawak ng anumang pwesto sa gobyerno.
Nais ni Gadon na tumakbo bilang Pangulo si Duterte sa 2028 para matalo ito at mapahiya.
Oras na matalo aniya ay malalaman ng Bise Presidente na wala naman talagang boto ang mga Duterte at hindi sapat ang boto ng mga taga Davao at ilang lugar sa Visayas para ipanalo siya sa pwesto.
Dagdag pa ni Gadon, nanalo lamang si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 dahil dinala ito ng pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Naniniwala si Gadon na mabigat at matibay ang mga ebidensya laban kay Duterte at nakatitiyak siyang mahihirapan ito na idepensa ang sarili sa impeachment court.
“Nananawagan ako kay VP Sara Duterte na mag-resign na lang sapagkat hayag na hayag naman na ang kanya mga violations. Paano mo ie-explain yung Mary Grace Piatos na naka-receive ng 25 million na intelligence funds? Eh, yung taong yun ay sinertify ng Philippine Statistics Authority na non-existent ibig sabihin walang ganung tao. So hula-hula lang yun. Saan napunta yong pera, no?” pahayag ni Gadon.