Defensor

VP Sara trial tungkol sa pamantayan ng integridad na inaasahan sa mga opisyal ng gobyerno

71 Views

SINABI ni House prosecutor at Kinatawan ng Iloilo na si Lorenz Defensor nitong Martes na ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte ay hindi lamang tungkol sa mga paratang laban sa kanya, kundi pati na rin sa mga pamantayan ng integridad at pananagutan na inaasahan sa pinakamataas na opisyal ng pamahalaan.

Sa pagbubukas ng presentasyon ng prosekusyon ng Kamara hinggil sa ikaapat na Artikulo ng Impeachment sa harap ng Senado na nakaupo bilang Impeachment Court, inilatag ni Defensor ang paninindigan ng prosekusyon na ang mga pampublikong banta ni Duterte laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay maituturing na pagkakanulo sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust), may-salang paglabag sa Konstitusyon (culpable violation of the Constitution), at matataas na krimen (high crimes).

Inaakusahan sa ikaapat na Artikulo ng Impeachment si Duterte na hayagang umamin sa isang live broadcast na nag-utos umano siya sa isang tao upang patayin ang Pangulo, ang Unang Ginang, at ang dating Speaker.

Ayon kay Defensor, na siya ring Senior Deputy Majority Leader ng Kamara, ang paglilitis ay umiikot sa isang mas malawak na usaping konstitusyonal.

“Sa pinakapuso ng paglilitis na ito ay isang pangunahing tanong para sa ating lahat: Maaari pa ba nating ipagkatiwala ang isa sa pinakamataas na posisyong itinatag ng Konstitusyon sa isang opisyal na, sa maraming pagkakataon, sinasadya, kusang-loob, at paulit-ulit na gumamit ng mga banta ng karahasan laban sa mismong mga institusyong kanyang sinumpaang itaguyod at pangalagaan?” ani Defensor.

Sinabi rin niya na hinahamon ng kasong ito ang bansa na tukuyin ang mga pagpapahalagang dapat taglayin ng mga humahawak sa pinakamataas na katungkulan.

“Anong mga pagpapahalaga ang inaasahan natin sa mga nanunungkulan sa pinakamataas na posisyon sa bansa? Delikadesa, palabra de honor, integridad, at katapatan sa sinumpaang tungkulin.”

“Hindi lipas ang mga prinsipyong ito; sila ang pundasyon ng marangal na paglilingkod sa bayan,” dagdag niya.

Ayon kay Defensor, ang ebidensya ng prosekusyon ay hindi lamang nakabatay sa mga testimonya ng mga saksi at mga napatotohanang dokumento, kundi maging sa sariling mga pahayag ng Pangalawang Pangulo.

“Ang mga ebidensyang iniharap sa ilalim ng artikulong ito ay hindi lamang mula sa testimonya at mga napatotohanang dokumento, kundi mula mismo sa sariling mga salita, kilos, at hayagang pag-amin ng Pangalawang Pangulo,” aniya.

“Ang kanyang mga pahayag ay hindi aksidente o inalis lamang sa tamang konteksto; hayagan niya itong sinabi sa publiko na may layuning seryosohin ng mga nakarinig,” dagdag pa niya.

Iginiit ni Defensor na higit na mabigat ang mga naturang pahayag dahil nagmula ang mga ito sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

“Ang lalong nagpapabigat sa mga bantang ito ay hindi ito nagmula sa isang karaniwang mamamayan, kundi sa mismong Pangalawang Pangulo—isang opisyal na, ayon sa Konstitusyon, ang nakatakdang humalili sa Pangulo ng Republika kung kinakailangan,” aniya.

“Ang ganitong mga pahayag ay may bigat na higit pa sa simpleng paggamit ng kalayaan sa pagpapahayag; tinatamaan nito ang pinakapuso ng pamahalaan,” dagdag niya.

Inihalintulad ni Defensor ang kasong ito sa mga kamakailang insidente kung saan mabilis na ipinatupad ng mga awtoridad ang batas laban sa mga taong nagbanta o nagbiro tungkol sa bomba. Aniya, ang pananagutan ay dapat ipatupad nang pantay-pantay, anuman ang edad, katayuan, o posisyon ng isang tao.

Binanggit niya ang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban na kinasangkutan ng mga menor de edad, ang pag-aresto sa isang pasahero sa paliparan dahil sa bomb joke, at ang pagsasakdal sa isang guro sa pampublikong paaralan na nagbanta laban sa Pangulo.

“Ang pananagutan ay pinapairal sa lahat. Bata man o matanda, nasa laylayan man o nasa katungkulan.”

Ayon kay Defensor, ang parehong prinsipyong ito ay dapat ding pairalin sa pinakamataas na opisyal ng bansa. Aniya, umiiral ang impeachment upang matiyak na ang kapangyarihan ay hindi kailanman maihihiwalay sa pananagutan.

“Kaya ang paglilitis na ito ay mahalagang mekanismong itinakda upang tiyakin na ang kapangyarihan ay laging may kaakibat na pananagutan. Ang pananagutan ay dapat pairalin sa lahat—o wala sa sinuman.”