Edd Reyes

VP Sara umani ng batikos, negatibong reaksyon

Edd Reyes Oct 23, 2024
124 Views

WALANG natuwa sa mga seryosong pahayag ni Vice President Sara Duterte noong araw ng Biyernes laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Kung noon kasi ay tuwang-tuwa at nagpapalakpakan pa ang marami sa mga talumpati ng dating pangulo na may kasamang pagmumura, pagbabanta, at panggigigil sa mga sangkot sa ilegal na droga at tiwaling opisyal, dito sa pahayag ng kanyang anak na si VP Sara, puro pagka-dismaya, batikos, at negatibong reaksiyon ang kanyang inani.

Sino ba naman ang matutuwa kung pati ang namayapa ng ama ni Pangulong Bongbong Marcos ay lapastanganin ni VP Sara nang magbantang huhukayin ang katawan at itatapon ang bangkay sa West Philippine Sea?

Sa kultura ng mga Pinoy, kahit ano pang galit natin sa ating nakaaway, kapag nategi na ay hindi na nilalapastangan pa at sa halip, tanging mga magaganda pa ngang gawain ang ating binabanggit.

Pati nga ang sinabi ng bise presidente na gusto raw niyang pugutan ng ulo ang Pangulong BBM at ang pag-akusa na hindi raw marunong ang Pangulo na pamunuan ng ang bansa ay nag-boomerang lahat kay VP Sara.

Tanong tuloy ng marami ay kung marunong daw ba siyang gumanap sa kanyang tungkulin bilang bise presidente gayung simpleng tanong lang kung papaano niya ginastos ang P125 milyong confidential fund sa loob lang ng 11-araw ay hindi pa niya masagot.

Pati tuloy ang kanyang katinuan ay nais ipasuri ng mga miyembro ng Kamara upang alamin kung may kapasidad siyang maglingkod sa bayan.

Iniisip tuloy ng marami na gumawa ng ganitong ingay si VP Sara para matabunan ang isyu ng paggamit niya ng confidential fund para umupa ng mga safe houses na mas mahal pa sa pinaka-prestihiyosong hotel sa bansa, pati na ang paggamit niya sa certification ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para palabasing dito ginugol ang P15.54 milyon na bahagi pa rin ng kanyang confidential funa na itinanggi naman ng militar.

Ilegalista, pumoporma na para sa Kapaskuhan

NAKAHABOL pa sa Pasko kahit hanggang katapusan ng lang ng taon ang mga legal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Pero kung matatapos na ang online gaming ng mga POGO, iba naman ang diskarte ng mga operator ng ilegal na sugal sa mga peryahan na ngayon pa lang nagsimula na pala ng operasyon sa ilang mga lugar sa lalawigan ng Cavite.

Dito nga lang sa Cardinal Village at sa Camerino Avenue, Barangay 4 sa Lungsod ng Dasmarinas ay nilagyan na nina alyas “Roland” at alyas “Emily” ng illegal numbers game at iba pang ilegal na sugal ang mini carnival na itinayo sa lugar.

Maging sa Barangay Buhay na Tubig sa Imus City at sa Poblete St sa Ibayo Silangan sa Naic ay naglatag na rin sina alyas “Pido” at alyas “Aiza”.

Marami pang operator ang nais maglatag sa Cavite pero mukhang hindi raw nakapasa sa inilatag na panuntunan nina alyas “Jack”, alyas “ Marcial”, at alyas “Randy” na tumatayo raw kolektor.

Subukan lang ninyong gamitin ang tanggapan nina Police Provincial Director P/Col. Eleuterio Ricardo, Jr. o ang tanggapan ni Regional Director P/BGen. Keneth Paul Lucas, tiyak na may kalalagyan kayo.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].