Calendar
VP trial di dapat ihinto trabaho sa Senado — Tulfo
IGINIIT ni Senador Erwin Tulfo na dapat magpatuloy ang paggawa ng batas at mga imbestigasyon ng Senado kahit uupo ito bilang impeachment court sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tulfo, na magsisilbing isa sa mga senator-judge, hindi dapat mahinto ng impeachment proceedings ang pagtugon ng Senado sa mahahalagang usapin gaya ng mataas na presyo ng bilihin, ayuda, serbisyong pangkalusugan, at peace and order.
“We recognize our constitutional mandate to sit as impartial judges in this trial. However, the daily struggles of millions of Filipinos cannot be put on hold,” pahayag ni Tulfo.
“Skyrocketing food prices, gaps in healthcare, and safety concerns still demand our immediate attention. The Senate must be capable of multi-tasking; we owe the public both accountability and continuous service,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Tulfo na ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng kanyang mga prayoridad na panukala kahit magiging mabigat ang iskedyul ng Senado dahil sa impeachment proceedings.
Kabilang dito ang panukalang Assistance to Individuals in Crisis Situations Act, amyenda sa Oil Deregulation Law, paglikha ng Philippine Petroleum Reserve, at pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Ayon kay Tulfo, mahalaga ang AICS bill dahil marami pa ring Pilipino ang nangangailangan ng agarang tulong mula sa gobyerno sa panahon ng medikal, pinansyal at iba pang krisis.
Binanggit din niya ang mga panukalang may kinalaman sa langis, kabilang ang amyenda sa Oil Deregulation Law at paglikha ng Philippine Petroleum Reserve, na aniya’y dapat manatili sa agenda ng Senado habang ramdam pa rin ng mga pamilya ang epekto ng presyo ng langis sa pamasahe, pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan.
“There are critical legislative gaps that need to be filled. We cannot neglect our primary duty to pass laws while fulfilling our judicial obligations,” ani Tulfo.
Iginiit din ng senador na dapat magpatuloy ang oversight work ng Senado, lalo na ang mga imbestigasyong hinahawakan ng Blue Ribbon Committee.
Binanggit niya ang flood control probe at ang mga isyu sa malawakang tree-cutting at earth-balling sa Palawan bilang mga usaping dapat umusad kahit nagpapatuloy ang impeachment trial.
Nanawagan din si Tulfo na repasuhin ang juvenile justice at anti-bullying laws sa gitna ng mga pangamba sa mga krimeng kinasasangkutan ng menor de edad.
“With the alarming rise in crimes involving minors, we also need an urgent review of our juvenile justice and anti-bullying laws. Simply put, the work of the nation does not stop for a trial,” pahayag niya.
Hinimok ni Tulfo ang kanyang mga kapwa senador na manatiling nakatuon sa mga problemang pang-ekonomiya at panlipunan ng ordinaryong Pilipino habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa impeachment proceedings.
“The Filipino people deserve transparency and truth in government, but they also deserve continuous relief and a better quality of life. We will deliver both,” pagtatapos niya.

