Imee1

‘Wag kami: Bahala kayo sa buhay n’yo’: Mga solon pumalag sa patutsada ni Sen Imee

Mar Rodriguez Mar 5, 2024
107 Views

Pumalag ang mga kongresista sa ginawang pagdawit ni Sen. Imee Marcos sa Kamara de Representantes sa umano’y nilulutong kudeta sa Senado laban kay Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sa ginanap na pulong-balitaan, sinabi ni Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na narinig din nila ang “tsismis,” na kinumpirma rin mismo ni Sen. Imee Marcos, na nagsasabing ang “pressure” para palitan si Zubiri ay nanggaling sa Mababang Kapulungan.

Paglilinaw naman ni Tulfo na hindi maaaring makialam ang Kamara sa anumang nangyayari sa Senado.

“Naririnig ho namin, pero hindi ho kami pwedeng makialam dyan, kumbaga sa bahay ho, bahay ho nila ‘yun eh, bakit ho natin papakialaman? Eh yung nagsabi ho siguro na dito ho galing sa atin, I don’t know kung saan po nakuha iyon,” ayon pa kay Tulfo.

Ipinagtataka naman ni House Assistant Majority Leader Raul Angelo Bungalon, kinatawan ng Ako Bicol party-list, kung bakit ang Kamara ang pinagsususpetsahang pinagmulan ng isyu ng kudeta.

“May isang senador na nagsabi na mga Congresman lang kami, Partylist Representatives lang kami. So, I guess with that…siguro wala kaming kakayahan na makialam sa internal matters po ng Senado,” ayon kay Bungalon.

“So despite this political drama, siguro ang panawagan ko na lang, let’s just focus on the legislative agenda and of course I hope that the Senate will handle its internal matters appropriately,” dagdag pa nito.

Sinabi naman ni House Assistant Majority Leader Mikaela Angela Suansing ng Nueva Ecija, sana ay hindi naman makaapekto sa mga isinasagawang pagtalakay ng Mataas na Kapulungan sa panukalang pag-amyenda ng economic provision ng Konstitusyon ang anumang nagaganap sa loob ng Senado.

“Apart from that, I really hope they keep moving on the local bills and the national bills because we have to keep the legislative mill going,” ayon pa kay Suansing.

Iginiit pa ng lady solon, na hindi dapat maapektuhan ng isyu ng kudeta ang mga senador mula sa kanilang legislative agenda.

Ayon pa kay Tulfo, maaaring nakuha ni Sen. Marcos ang impormasyon sa ibang source, at hindi mula sa Kamara na abala naman sa pagtalakay ng pagkakaroon ng reporma sa 1987 Constitution at iba pang mga mahahalagang usapin.

“Kahit saan, kahit sa kapitbahay mo pwede mag-umpisa ho ‘yan. Pwede ho sa mga kapihan, sa barberya, kung ‘yan ho’y ugong-ugong ‘yan ho e mga tsismis lang, kahit saan po pwedeng mag originate ho yan. Pero kami naman ho rito we’re so busy with what we’re doing right now,” ayon kay Tulfo.

Binigyan diin pa ni Tulfo na bukod sa Charter reforms, kabilang din sa mga pinagkakaabalahan ng Mababang Kapulungan ang usapin ng inflation at pagtulong sa mga mahihirap, kaya’t wala ng panahon para mag-tsismis.

“Marami ho kaming ginagawa rito na wala na ho yata kaming oras para pag-usapan ho yang kudeta na yan,” giit pa ni Tulfo.

“Besides sila ho dapat mag-usap-usap doon, hindi ho kami dito because wala ho kaming pakialam kung magpalit man sila ng liderato. Magtambling-tambling ho sila doon, wala ho kaming pakialam doon. Bahala ho sila sa buhay nila, malalaki na ho sila, matatanda na rin ho sila,” ayon pa sa mambabatas.

Ani Tulfo, ang mga taong nakatuon sa trabaho ay karaniwang napag-iinitan, subalit kailangan pa rin na magpatuloy sa mga gawain.

“Ganun naman ho talaga, pag marami ka hong ginagawa e napupukol ka, nababato ka. Pero sana naman ho, pakiusap ko ho na hindi lang ho sa kanila pati na din sa mga kasamahan ko – we just keep on moving forward, let’s do our job kasi marami pa hong dapat gawin,” dagdag pa ni Tulfo.

Si Tulfo, na kapatid ni Raffy na isang senador, ay sinabing hindi nila napag-uusapang magkapatid ang anumang impormasyon tungkol sa haka-hakang kudeta sa Senado.

Dagdag pa ni Tulffo na nabasa lamang niya ang mensahe ni Zubiri na nagpapasalamat sa kanyang mga kasamahan sa patuloy na pagtitiwala sa kaniyang liderato.

“So, merong nangyari ho siguro. Hindi ho namin alam dito… siguro, mas maganda sila ang tanungin ninyo…wala ho kaming kaalam-alam kung ano ang nangyayari sa kanila,” dagdag pa ng mambabatas.