‘Wag payagang dalhin sa The Hague ang asawa ko–Mrs. Dela Rosa

52 Views

UMAPELA si Grace Nancy Dela Rosa, asawa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na huwag payagang dalhin sa The Hague ang asawa niya.

Hiniling ni Dela Rosa sa mga hukuman na huwag maging bahagi ang kanyang asawa ng inilarawan niyang pagsuko ng isa pang Pilipino sa isang dayuhang hukuman.

“Please do not be an accessory to bringing my husband to The Hague. Every Filipino must be tried in his own country,” isinulat niya sa FB page.

Iginiit ni Dela Rosa na ang pagpayag sa voluntary surrender ng isang Pilipino sa isang international court ay magpapadala ng mensahe na hindi kayang hawakan ng bansa ang kaso sa sarili nitong sistema.

Hinimok niya ang hudikatura na kumilos agad at sinabing anumang pagkaantala ay maaaring magbigay ng pagkakataon sa mga awtoridad na makalapit kay Dela Rosa.

“We do not have the luxury of time to wait for your technical arguments and debates. Every moment you remain undecided is an opportunity for them to close in on Bato,” sinabi niya.

Ang iniulat na ICC warrant ay muling nagbukas ng mga legal at politikal na tanong tungkol sa pakikipagtulungan sa international court, hurisdiksiyon ng Pilipinas at karapatan ng mga Pilipinong nahaharap sa proseso sa ibang bansa.

Binanggit ni Dela Rosa ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang apela, at sinabing ang dapat matutunan dito ay “not to give up another Filipino.”

Nanawagan din siya sa publiko na ibahagi ang kanyang post at inilarawan ang kanyang apela bilang bahagi ng mas malawak na laban para sa mga Pilipino at sa sovereign rights ng bansa.

“Please do not give up your responsibility for our countrymen. Please fight for our sovereign rights. Your decision will be remembered in history. Please make it count,” sinabi niya.

Nagbigay ng personal na dimensyon ang apela sa legal na kontrobersiyang kinasasangkutan ng senador, na ang sitwasyon ay nagbigay rin ng pansin sa Senado matapos ang kanyang kamakailang paglitaw at pag-alis sa kapulungan sa gitna ng mahigpit na security concerns.

Para sa maybahay ng senador, ang usapin ay hindi lamang tungkol sa legal na laban ng kanyang asawa, kundi kung dapat bang humarap sa paglilitis sa isang dayuhang hukuman ang isang opisyal na Pilipino sa halip na sa Pilipinas.