bro marianito

Wagas at dakila ang pag-ibig ng Diyos

796 Views

Wagas at dakila ang pag-ibig ng Diyos Ama para sa ating lahat (Juan 3:16-21)

“Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa Sangkatauhan. Kaya’t ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak, upang ang sinomang sumampalataya sa kaniya ay hindi mapahamak. Kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan”. (Juan 3:16 – Magandang Balita Biblia)

MATUTUNGHAYAN natin sa kuwento ng “Alibughang Anak” (Lucas 15:11-32) kung paano tinanggap at pinatawad ng Ama ang kaniyang suwail o alibughang Anak. Matapos nitong lustayin sa masasamang bisyo ang lahat ng minana niyong ari-arian. (Lucas 15:13-23)

Sa kabila ng ginawang kabuktutan ng kaniyang talipandas na Anak, buong pusong kinalimutan at pinatawad parin ng Ama ang lahat ng naging kasalanan ng kaniyang alibughang Anak. Tinanggap pa rin niya ito na parang isang nawawalang tupa at ngayo’y nagbabalik.

Maaaring sa isang ordinaryong Ama ay hindi na niya kayang tanggapin ang suwail niyang Anak. Baka ipagtabuyan pa niya ito palabas ng bahay. Ngunit hindi ganito ang Ama sa kuwento.

Ang alibughang Anak sa pagsasalaysay ng kuwento ay mistulang isang taong malaon ng namatay subalit muling nabuhay. Nawala ngunit muli siyang natagpuan.

“Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo’y magdiwang. Sapagkat ang Anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay. Nawala ngunit muling natagpuan. (Lucas 15:23-24)

Inilalarawan ng Talinghagang ito ang mga taong makasalanan na pinatay at inilugmok ng napakarami nilang kasalanan. Sila’y parang mga tupang naligaw ng landas katulad ng alibughang Anak. Subalit sila’y muling natagpuan at nagbabalik loob sa Panginoong Diyos.

Ang Ama na inilalarawan sa Talinghagang ito (Alibughang Anak) ay walang iba kundi ang ating Amang nasa Langit mismo na labis-labis at nag-uumapaw ang pag-ibig para sa ating lahat. Sa kabila ng napakarami nating kasalanan at kadalasan ay paulit-ulit na pagkakasala natin.

Ito ay pinatunayan ng ating Ama sa Mabuting Balita (Juan 3:16-21) kung saan, mababasa natin na winika ni San Juan na “Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa Sanlibutan. Kaya isinugo niya ang kaniyang kaisa-isang Anak na si JesuKristo upang tayong lahat ay maligtas”. (Juan 3:16)

Ang kaligtasang tinutukoy ng Pagbasa ay ang kaligtasan ng ating kaluluwa mula sa impiyerno. Sapagkat nais ng Diyos Ama na tayong lahat ay makapiling niya sa kaniyang Kaharian pagdating ng takdang panahon. Dahil ayaw niyang mayroong mapahamak sa atin.

Ipinakita ng Ama ang kaniyang dakilang pag-ibig para sa ating lahat (Sangkatauhan) nang isugo niya ang kaniyang bugtong na Anak na si JesuKristo. Kahit batid ng Ama na mamamatay ang kaniyang Anak, subalit ang kapakanan parin natin ang kaniyang pinahalagahan. (Juan 3:17)

Ang kaligtasang inaalok ng ating Amang nasa Langit ay hindi tulad ng “ayudang” tinatanggap natin mula sa mga politiko na iniaabot na lamang sa ating mga kamay.

Sapagkat ang kaligtasang tinutukoy ng Ebanghelyo ay kailangan natin simulan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus na siyang magliligtas sa atin. Kailangan muna nating matutunan ang manampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos.

Ayon nga sa kasabihan: “No Pain, No Gain”. Kung talagang seryoso tayo sa ating pananampalatayang Kristiyano at kung talagang nais natin makamtan ang “Buhay na walang hanggan” ay sisikapin natin pagtibayin ang ating pananampalataya.

Sapagkat sa ating pananampalataya nakasalalay ang ating kaligtasan. Sa pamamagitan ng pananalig kay Jesus. Pinatunayan na ng ating Ama ang kaniyang pag-ibig dahil hangad niya ang ating kaligtasan.

Tayo naman ngayon ang magpakita ng katibayan na talagang tinatanggap natin ang kaligtasang inaaalok ng Ama. Kaya ba natin talikuran ang kasalanan? Kaya ba natin itakwil ang pakiki-apid, kasakiman, kadamutan at kaya ba nating talikdan ang inggit?

Wala nang maaaring patunayan pa ang ating Ama kung pag-ibig ang pag-uusapan. Dahil tinanggap parin niya tayong lahat sa kabila ng pagiging “Alibughang Anak” natin. Kailangan naman natin patunayan ngayon sa kaniya na iniibig din natin siya tulad ng Anak sa Talingahaga.

Kung saan, labis-labis ang pagsisisi ng suwail ng Anak sa lahat ng kaniyang naging kasalanan at ngayo’y muli siyang nagbabalik. Upang hingin ang kapatawaran ng kaniyang Ama. Kaya din ba nating gawin ito sa ating Diyos Ama at kaya rin ba natin pagsisihan ang lahat ng kasalanan natin?

Subalit nakakalungkot isipin na sa kabila ng wagas na pag-ibig ng Diyos Ama para sa ating lahat para tayo ay maligtas. May ilan parin tao ang mas naiibigan pang gumawa ng kasamaan. Kaysa mamuhay sa kabutihan para huwag silang mabulid sa impiyerno. (Juan 3:19-21)

AMEN